Kim

Kim at Jerald, balik-pelikula sa ‘Sa Haba ng Gabi’

October 9, 2021 Ian F. Fariñas 406 views

NAGBABALIK ang magdyowang Kim Molina at Jerald Napoles sa bagong handog ng Vivamax, ang Sa Haba ng Gabi, na prinodyus ng Master of Horror na si Direk Erik Matti at pinamahalaan ni Direk Miko Livelo.

Ilalabas ng Sa Haba ng Gabi ang mga patay na muling mabubuhay at kasama nina Kim at Jerald sa pelikula si Candy Pangilinan, na siyang magsisilbing love interest ng aktor for a change.

Sa istorya, si Neneng (Candy), katulong sa isang engrandeng mansyon na pagmamay-ari ng isang senador, ay hinimok ang pinsang si Jhemerlyn (Kim) na magtrabaho sa mansyon kasama siya.

Desperadong makahanap ng trabaho, tinanggap agad ni Jhemerlyn ang alok ng pinsan. Hindi nagtagal, nadiskubre ni Jhemerlyn na ginagamit ng senador ang mansyon para doon dalhin ang kanyang mga babae.

Maayos ang lahat sa mansyon, hanggang sa isang araw, umuwi ang senador na maputla at mukhang may sakit.

’Di nagtagal ay nabalitaan ng mag-pinsan na may virus na kumakalat sa buong probinsya at ginagawa nitong zombie ang mga tao.

Habang nagaganap ang apocalypse, sa mansyon din naisipang magtago ni Noel (Jerald), ang personal driver ng senador.

Dito na magsisimula ang pinakamahabang gabi sa buhay nina Neneng, Jhemerlyn at Noel.

Sa loob ng mansyon, manonood sila ng TV, maghaharutan at susubukang maka-survive sa zombie apocalypse.

Malagpasan kaya nila ang gabi nang buhay at nananatiling tao?

Ang Sa Haba ng Gabi ay mula sa Viva Films at Reality Entertainment. Magsisimula itong mapanood via streaming sa October 29 sa Vivamax Philippines, Hong Kong, Taiwan, Thailand, Malaysia, Indonesia, Singapore, Japan, South Korea, Macao, Vietnam, Brunei, Maldives, Australia, New Zealand, Middle East at Europe.

AUTHOR PROFILE