Default Thumbnail

Ang Tamang Sukli ay karapatan ng kostumer

January 6, 2023 Magi Gunigundo 584 views

Magi GunigundoDAHIL bagong taon, pinapaalalahanan natin ang mga negosyante na magtabi ng barya na pangsukli sa kanilang mga kostumer upang maibigay sa huli ang tamang sukli at maiwasan ang paglabag sa “No Shortchanging Act of 2016 (Republic Act 10909). Obligasyon ng lahat ng uri ng negosyo na magsukli ng tama. Hindi pinagbabawal ang pagbibigay ng sobra, ngunit hindi dapat kulang sa kwenta, na dapat isukli sa kostumer. Bawal rin magbigay ang negosyo ng iba pang anyo ng sukli tulad ng kendi o sibuyas bilang kapalit ng baryang isusukli. Karapatan ng kostumer na tumanggap ng tamang sukli sa perang Pilipino.

Makatwiran lamang ito. Ang kostumer ay obligado na magbigay ng P100 na katumbas ng halaga ng produkto na kanyang binili. Kung kulang ang P100 ng piso, singkwenta o beintesingko sentimos, maaaring hindi matuloy ang bilihan dahil walang tawad ang presyo.

Ganoon din naman ang sitwasyon sa mga fastfood at iba pang restawran. Paghuhugasin ka ng pinggan kung hindi sapat ang perang pinambayad sa kinain. Malaki na nga ang kinita ng negosyo sa service charge, table charge at iba pang mga dinadagdag sa resibo, pati ba naman sukli ay kukunin pa. Kapag pinagsama-sama ang mga sukling hindi binigay sa kostumer, malaking halaga rin ito na hindi kasali sa gross sales ng araw na iyon at hindi masasali sa papatawan ng buwis ng BIR at LGU.” Unjust enrichment” ang hindi pagbibigay ng tamang sukli.

Sa unang paglabag, may multang P500 o 3% ng gross sales sa araw na nilabag ang RA 10909. Sa ikalawang paglabag, may multang P5,000 o 5% ng gross sales ng araw na iyon; Sa ikatlong paglabag, P15,000 o 7% ng gross sales ng araw na iyon depende kung alin ang mas mataas at suspendido ang lisenya ng pagnenegosyo ng 3 buwan; sa ika apat na paglabag, P25,000 multa o 10% ng gross sales ng araw na iyon, depende kung alin ang mas mataas at pagbawi ng lisensya ng pagnenegosyo.

Dapat tiyakin ng mga mamimili na ang eksaktong halaga ng sukli ay matatanggap kaagad pagkatapos ng bawat transaksyon. Kung hindi, maaaring isumbong ng sinumang naagrabyado na consumer sa consumer welfare desk ng business establishment ang lahat ng pagkakataon ng kulang na sukli para sa agarang aksyon/lunas. Maaari rin sumulat at magsumite ng reklamo sa Department of Trade and Industry (DTI) nang hindi lalampas sa sampung (10) araw ng trabaho pagkatapos na maganap ang isang paglabag sa RA 10909. Ang kabiguang magsumite ng liham ng reklamo sa loob ng itinakdang oras ay batayan para sa pagbasura ng reklamo.

Ang RA 10909 ay saklaw halos lahat ng uri ng negosyo na pag-aari ng sinumang tao, natural o juridical, single proprietorship man, partnership o korporasyon, nakikibahagi sa, o nagnenegosyo sa Pilipinas, kabilang ang government-owned and – controlled corporations (GOCCs) at mga entity ng gobyerno na nagsasagawa ng “proprietary functions.” Saklaw din nito ang mga impormal at hindi rehistradong negosyo, at sa mga nagbebenta ng mga kalakal o nagbibigay ng mga serbisyo nang regular sa isang permanenteng lugar o stall o naglalako mula sa isang lugar patungo sa isa pa tulad ng, ngunit hindi limitado sa, mga ambulant vendor, peddler, pedicab, tricycle, e-trikes , “tiangge’’, pati na ang naka-kalesa.

Upang maitaguyod ang ugali ng pagbibigay ng eksaktong sukli sa mga mamimili, ang RA No. 10909 ay nag-uutos din sa mga establisimiyento ng negosyo na mag-paskil ng mga abiso sa bawat counter upang matiyak/paalalahanan ang kanilang mga cashier na magbigay ng eksaktong sukli, “Mangyaring hilingin ng kostumer ang eksaktong sukli” sa anumang wika o literatura na may kaparehong mensahe upang lumaganap ang kamalayan sa karapatang ito ng mamimili o kostumer.

Ang cashier o staff clerk o ang kanilang katumbas, ay dapat magbilang ng sukli sa harap ng mamimili at ilagay ito sa kamay ng mamimili o sa tray ng sukli, alinman ang naaangkop. Tama ang paskil sa mga PUV na , “Barya lang po sa umaga.”

AUTHOR PROFILE