Default Thumbnail

7 NPA patay, armas nabawi sa N. Samar

May 1, 2023 Zaida I. Delos Reyes 229 views

PITONG miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nasawi matapos ang isinagawang focused military operation ng militar nitong Linggo sa Bobon, Northern Samar.

Sa ulat ng Visayas Command ng Armed Forces of the Philippines (VISCOM-AFP) nagsagawa ng focused military operation ang mga tauhan ng 803rd Infantry Brigade (IB) at 8th Infantry Division (ID) kasama ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa bulubunduking lugar sa Barangay Santander nang maka-engkuwentro ng mga ito ang may 40 armadong kalalakihan.

Ang mga armado ay mga miyembro diumano ng NPA Sub-Regional Guerilla Unit (SRGU) at remnants ng nalansag na Front Committee-2 (FC-2), Sub-Regional Committee (SRC) Emporium ng Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC).

Tumagal ng ilang minuto ang bakbakan na naging sanhi ng pagkakasawi ng pitong rebelde at pagkakarekober ng apat na matataas na kalibre ng baril, isang anti-personnel mine, at iba’t-ibang subersibong dokumento.

Agad namang pinapurihan ni VISCOM Commander Lt. Gen. Benedict M. Arevalo ang tropa ng militar sa kanilang matagumpay na operasyon.

Naniniwala ang opisyal na “malaking dagok” sa kilusan ng mga rebelde ang pagkakalagas ng pitong kasamahan ng mga ito.

“I commend the members of the Stormtroopers for their unwavering commitment to peace and democracy,” pahayag ni Arevalo.