Default Thumbnail

Bebot tiklo sa pagkuha ng 3 laptops sa PhilRice

May 1, 2023 Steve A. Gosuico 271 views

SCIENCE CITY OF MUÑOZ – Arestado ang isang 22-anyos na babae matapos siyang mahuling magnakaw umano ng tatlong laptop computers na may halagang P45,000 mula sa hostel building ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) nitong Lunes ng madaling araw.

Ayon kay police head Lt. Col. Norman Cacho, ang pagnanakaw ay nangyari sa loob ng hostel #2 ng PhilRice building sa Maharlika Highway dito sa Bgy. Maligaya bandang 2:30 ng umaga.

Ang ninakaw na gamit umano ay kinabibilangan ng tatlong laptop computers at mga chargers nito, kasama ang mouse at extension wires, na may kabuuhang halaga na P45,000.

Sinabi ni Cacho na ang babaeng suspek, dalaga at residente ng Betes, Aliaga, ay agad inaresto matapos niyang pansamantalang iwan ang mga ninakaw na gamit sa labas ng hostel #2 at pasukin naman ang hostel #1.

Isang hotel attendant na kinilalang si Herbert Capiral ang agad na umalerto sa security guards na naka-duty matapos niyang makita na tinangkang buksan ng suspek umano ang pinto ng kanilang silid.

Ayon sa inisyal na pagsisisiyasat, ang babaeng suspek at kanyang mga kasabwat ay dumating sa harapan ng PhilRice headquarters dakong alas-8 ng gabi.

Habang ang babaeng suspek ay sumasailalim sa pagtatanong ng pulisya, sinabi ni Cacho na ang ibang kasabwat umano niya ay agad siyang iniwan at sinabing tumakas diumano patungong Bgy. Baloc, Sto. Domingo.

Kaukulang kaso ng pagnanakaw ang isasampa laban sa suspek sa city prosecutor’s office.

AUTHOR PROFILE