QCPD

4 na station level MWPs arestado

April 17, 2022 Melnie Ragasa-limena 68 views

INIHAYAG ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGen. Remus B Medina ang pagkaaresto ng apat na station level Most Wanted Persons (MWPs) sa magkakahiwalay na operasyon sa Quezon City.

Ayon sa ulat ng La Loma Police Station (PS 1) sa pamumuno ni PLt. Col. Garman Manabat, inaresto ang kanilang No. 2 MWP na kinilalang si Sherwin Plaza, 42,
nakatira sa San Isidro, Paranaque City.

Si Plaza ay inaresto dakong ika-8:30 p.m., April 13, 2022, sa harap ng gasolinahan na matatagpuan sa Brgy. Aguado, Trece Martires, Cavite para sa kasong rape (2 counts) at paglabag sa R.A. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act (4 counts) na inilabas ni Judge Marie Grace Javier Ibay, ng Branch 194, Regional Trial Court, Parañaque City.

Ang piyansa para sa pansamantalang paglaya ni Plaza ay tinatayang P1,200,000.

Nadakip din ng Masambong Police Station (PS 2) sa pamumuno ni PLt.Col. Rix S Villareal si Anthony Perjes, 41, nakatira sa Brgy. Bungad, Quezon City at tinaguriang No. 4 MWP ng PS 2 dakong ika-8:45 a.m. Abril 14, 2022 sa kanyang tirahan.

Inihain ang warrant of arrest laban sa akusado sa kasong paglabag sa R.A. 7610 (6 counts) na inilabas ni Judge Cleto R. Villacorta III, ng Branch 229, Regional Trial Court, Quezon City na may Criminal Case No. R-QZN-22-01355-CR hanggang R-QZN-01360-CR.

Kinilala naman ng Payatas Bagong Silangan Police Station (PS 13) sa pamumuno ni PLt.Col. Roldante Sarmiento si Elimondo Domingo, 26, nakatira sa Brgy. Payatas, Quezon City, at tinaguriang No. 7 Most Wanted Person ng PS 13.

Inihain ang warrant of arrest laban kay Domingo dakong ika-3:10 p.m. sa parehong araw sa Quezon City Jail Male Dormitory na matatagpuan sa Edsa corner K-3rd St., Brgy. Kamuning, Quezon City para sa kasong R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na inilabas ni Judge Mitushealla R Manzanero-Casiño, ng Branch 228, Regional Tiral Court, Quezon City na may Criminal Case Number R-QZN-16-07481 to 83-CR.

Inaresto ng Anonas Police Station (PS 9) sa pamumuno ni PLt.Col. Ritchie Claravall si Kenneth Fallorina, 42, nakatira sa Brgy. UP Diliman, Quezon City, dakong ika-6:10 p.m., April 13, 2022, sa Brgy. UP Diliman, Quezon City.

Batay sa report si Fallorina ay unang inireklamo dahil sa pagbabanta umano sa mga complainant na sina Michael Miano at Arturo Albaniel.

Habang ito’y sinisiyasat, nadiskubre ng kapulisan ng PS 9 na ang suspek pala ay tinaguriang No. 7 MWP sa nasabing istasyon at may nakabinbing warrant of arrest laban sa kanya para sa kasong attempted homicide na inilabas ni Judge Edgardo B Bellosillo, ng Branch 95, RTC, Quezon City, na may Criminal Case Number R-QZN-21-10630.

Ang hukumang pinagmulan ng utos ng pagdakip ay aabisuhan sa pagkaaresto ng mga akusado.

“Nagpapasalamat ako sa ating mga tauhan sa kanilang determinasyon sa kanilang trabaho. Ito ay patunay na ginagampanan namin ang aming sinumpaang tungkulin na ipatupad ang batas at panatilihin ang kaayusan at katahimikan sa komunidad,” ani Medina.

“Pinupuri ko ang dedikasyon ng ating kapulisan upang mahuli ang mga nasabing akusado. Ang kanilang dedikasyon at kasipagan ang dahilan kung bakit patuloy ang Team NCRPO sa pagsupil sa mga kriminal na walang takot na gumagawa ng krimen na siyang nagdadala ng takot sa taumbayan.” ani ni PMGen. Felipe R Natividad, Regional Director ng National Capital Region Police Office (NCRPO).