Kidlat KIDLAT NG PASAY–Parang kidlat na lumusob si Pasay Mayor Emi Calixto-Rubiano sa gym ng Brgy. 54 para bigyan ng tulong ang mga nasunugan sa syudad noong Biyernes ng gabi.

34 pamilya sa Pasay naabo bahay

February 17, 2024 Edd Reyes 102 views

AABOT sa 34 na pamilya ang naabo ang bahay sa sunog na lumamon sa may 10 bahay noong Biyenes sa Pasay City.

Sa ulat ni Pasay City Fire Marshal Supt. Mariano Taguiam kay Mayor Emi Calixto-Rubiano, sumiklab ang sunog sa hindi pa batid na dahilan sa 2nd floor ng bahay ni Minda Campusano sa 2179 P. Dandan St., Brgy. 54 dakong alas-6:18 ng gabi.

Nasugatan sa kaliwang braso si Geraldine Nugot, 29, habang nahiwa ng matulis na bagay ang talukap ng kanang mata ni Lorenz Yumul, 19.

Nahirapan naman huminga si Ramon Miranda, 63, dahil sa makapal na usok. Umakyat sa 2nd alarm ang sunog bago tuluyang naapula ng alas-8:46 ng gabi.

Ayon sa arson investigator na si FO2 Arnold Hidalgo, aabot sa P480,000 ang damage na dala ng sunog.

Kahit ala-1:00 ng madaling araw na, sumugod si Mayor Emi Rubiano sa gym ng Brgy. 54 noong Sabado para pangunahan ang pamamahagi ng mga pangunahing pangangailangan ng mga nasunugan.

Katuwang ng alkalde sa pamamahagi ng bigas, de-lata, blanket, tuwalya, matting, hygiene kits at iba pang pangangailangan ang Pasay City Social Welfare and Development Office.

AUTHOR PROFILE