Default Thumbnail

3 kawani sibak sa trabaho dahil sa ‘paihi’

April 2, 2023 Edd Reyes 277 views

SIBAK na sa trabaho ay nahaharap pa sa kasong qualified theft ang tatlong kawani nang mahuli sa aktong sinisipsip ang krudo ng trak na pag-aari ng pinaglilingkuran nilang kompanya sa Valenzuela City.

Tinangka pa umanong tumakas ng mga suspek na sina Dandreb Acosta, 42, ng Saint Francis Village, Meycauayan, Bulacan, Edgardo Garcia, 23, ng Lambakin, Marilao, Bulacan at Jhon Eric Cabesas, 22, ng Kaunlaran, Navotas City subalit nadakip din sila ng mga awtoridad, sa tulong na rin ng kasosyo ng may-ari ng kompanya.

Sa isinumiteng ulat ni P/Lt. Armando Delima, hepe ng Station Investigation Unit kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura, Jr. matagal ng nagdududa ang may-ari ng kompanyang pinagtatrabahuhan ng mga suspek na may ginagawa silang ilegal dahil sa malaking konsumo ng krudo ng kanilang trak.

Ikinatuwiran umano ng mga suspek na luma at may diprensiya na ang trak kaya’t malakas kumunsumo ng krudo.

Noong araw ng Biyernes, Marso 31, sinundan ng isa sa mga may-ari ng kumpanya sa kanilang biyahe ang mga suspek hanggang maaktuhan nila ang ginagawang pagpapa-ihi sa krudo ng trak sa isang gasolinahan sa Brgy. Malanday.

Upang hindi makapagkaila, kinuhanan pa ng video ng may-ari ang ginagawang pagsipsip sa krudo, bago sila kinompronta nang makahingi na ng tulong sa awtoridad subalit nagtangka pang tumakbo ang tatlo.

Sinabi ni Lt. Delima na inamin ng mga suspek na ibinebenta nila sa mga tsuper ng pampasaherong jeep ang sinisipsip na krudo at kanilang pinaghahati-hatian ang napagbentahan.

Nakuha ng mga pulis sa mga suspek ang apat na galon, isa rito ay may laman ng 18 litro ng sinipsip na krudo na katumbas ng halagang P1,026.00, at isang metrong hose na gamit na panipsip.

Kasong paglabag sa Article 310 ng Revised Penal Code o qualified theft ang kinakaharap ngayon ng mga suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE