Jinggoy

3 foreign languages dapat ituro sa students-Jinggoy

July 31, 2023 PS Jun M. Sarmiento 177 views

BUKOD sa Ingles, dapat ialok din bilang elective course ang iba pang foreign languages sa lahat ng kolehiyo sa bansa upang maihanda ang mga mag-aaral na maging linguistically at culturally diverse, sabi ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada.

“Sa paraang it, magkakaroon ng sapat na kakayahan at kaalaman ang mga Pilipinong mag-aaral na naaangkop sa ika-21 siglo.

Magiging madali ang kanilang pakikipag-ugnayan sa buong mundo at magiging higit na globally competitive kumpara sa ibang mag-aaral sa pagsabak nila sa trabaho,” pahayag ni Estrada sa paghahain ng Senate Bill No. 2341.

Sa kanyang iminungkahing Foreign Language Education Act, aatasan ang Commission on Higher Education (CHED) na gumawa at magpatupad ng programa na mag-aalok ng tatlong unit na basic foreign language courses for beginners sa lahat ng higher education institutions.

Binigyan diin ni Estrada na ang pagkakaroon ng kurso na dayuhang wika sa curriculum sa kolehiyo ay magsisilbing elective course lamang at hindi papalitan ang Filipino bilang core subject.

Binanggit ng mambabatas na layunin ng panukalang batas na ipagpatuloy ang special program sa foreign language classes na kasalukuyang ipinapatupad ng Department of Education (DepEd) sa mga pampublikong paaralan sa mga mag-aaral sa Grade 7 hanggang Grade 12.

Nagsimula ang programa noong 2009 sa mga piling paaralan at nag-aalok lamang ng Spanish language ngunit kalaunan ay pinalawak pa at isinama ang Nihongo, French, German, Mandarin at Korean.

“Hindi lang pagkakaroon ng competitive advantage kapag sila’y sumabak na sa pagtatrabaho kundi ay magbibigay din ito ng personal growth sa kanila.

Mapapalawak nito ang kaalaman, karanasan at pag-unawa ng mga mag-aaral sa iba’t ibang kultura bukod pa sa mapapataas din ang kanilang kumpiyansa,” dagdag pa niya.