2nd booster shots sa A1, A2, A3 category, umarangkada sa Maynila
SINIMULAN nitong Huwebes ng Lungsod ng Maynila ang pagbabakuna ng ikalawang booster shots sa mga A1, A2, at A3 category group o mga healthcare workers, senior citizens at immunocompromised.
Isasagawa ang pagbabakuna para sa ikalawang booster shots sa mga pampublikong pagamutan sa anim na distrito ng lungsod kagaya ng Gat. Andres Bonifacio Memorial and Medical Center, Ospital ng Tondo, Justice Jose Abad Santos General Hospital, Ospital ng Sampaloc, Ospital ng Maynila, Sta. Ana Hospital at maging ang apat na shopping malls na kinabibilangan ng Robinsons Place Manila, SM City San Lazaro, SM City Manila, at Lucky Chinatown Mall.
Sinabi ni MHD (Manila Health Department) Director Dr. Arnold “Poks” Pangan na magsasagawa rin ng pagbabakuna para sa ikalawang booster shot sa 44 na health centers na nasa anim na distrito ng Lungsod ng Maynila, pati na ang pagbabahay-bahay upang maabot ang mga nasa A3 category na hindi makapunta sa mga vaccination sites.
Kabilang sa mga immunocompromised na indibiduwal ang mga dumaranas ng human immunodeficiency virus o HIV, may sakit na kanser, nagpa-organ transplant, mga gumagamit ng steroid para sa kanilang pagpapagamot at iba pang uri ng karamdaman na sinertipikahan ng kanilang mga doktor.
Tatanggap naman ng kanilang ikalawang booster shot ang mga healthcare workers at senior citizens ng bakuna mula sa Pfizer o Moderna habang ang mga immunocompromised ay kahit anong bakuna, depende sa kanilang kalagayang pangkalusugan.
Sa abiso pa ng MHD, kailangang naka-apat na buwan na mula sa una nilang booster shot ang mga nasa A1 at A2 category bago sila magpabakuna ng ikalawang booster shot habang tatlong buwan naman ang dapat palipasin sa mga immunocompromised.
Sa mga kuwalipikadong nagnanais na magpabakuna para sa kanilang ikalawang booster shot sa Lungsod ng Maynila, inaabisuhan sila ng MHD na dalhin ang kanilang Vaccination ID na may kumpleto na silang bakuna hanggang sa unang booster shot, isang valid ID at karagdagan namang Medical Certificate para sa mga immunocompromised na galing sa kanilang doktor.
Patuloy ang isinasagawang paghimok ng MHD sa publikong kabilang sa mga kategoryang puwede ng magpabakuna ng ikalawang booster shot na magtungo kaagad sa mga lugar na malapit sa kanilang tirahan upang makinabang sa libreng bakuna. Ni Edd Reyes