Default Thumbnail

20 katao timbog sa liquor ban sa Pasay

October 31, 2023 Edd Reyes 189 views

DALAWAMPU katao, kabilang ang 13 dayuhan, ang dinampot ng pulisya sa bar na lumabag sa liquor ban noong Lunes sa Pasay City.

Sa report kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Mark Pespes, dakong alas-10 ng gabi nang salakayin ng Pasay police, sa pangunguna ng hepe ng siyudad na si P/Col. Froilan Uy, at Regional Special Operations Group ng National Capital Region Police Office (RSOG-NCRPO) ang King and Queen Bar sa Macapagal Blvd, Brgy. 76 dahil sa pagse-serve ng alak sa kanilang mga customer sa kabila ng liquor ban.

Bagama’t 20 lamang ang sinabi ni Col. Uy na kanilang kakasuhan, nakalagay sa ulat ng SPD na humigit-kumulang sa 40-katao ang dinatnan sa loob ng bar.

Sinabi ni Col. Uy na bukod sa 13 dayuhan, binitbit nila sa presinto ang pitong crew ng bar dahil sa pagsisilbi ng alak, habang hindi naman dinatnan ang manager nang mang-raid ang mga pulis.

Napansin pa ng mga pulis ang isang karatula sa pintuan ng bar na nagbabawal sa mga Pinoy na pumasok sa establisyemento dahil sa liquor ban.

Katwiran ng mga crew, mga Pilipino lang ang sakop ng liquor ban pero pinapahintulutan ang mga foreigner na umorder ng alak.

Tiniyak ni Col. Uy na aakyat sa hukuman ang ihahain nilang kasong paglabag sa Sec. 404 Art XVI ng Comelec Resolution No. 10924 (Liquor Ban during Election Period) sa piskalya ng Pasay City laban sa mga naaresto.

Kumpyansa si Uy na irerekomenda ng Comelec sa pamahalaang lungsod ng Pasay na ipasara ang bar dahil sa violation sa liquor ban.

AUTHOR PROFILE