Default Thumbnail

2 lalaki arestado, P.9M halaga ng smuggled na sigarilyo nasamsam sa Zamboanga City

April 25, 2023 People's Tonight 346 views

UMAABOT sa P.9 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo ang nakumpiska ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police at Philippine Marines sa isang checkpoint nitong Lunes sa Lower Calarian, Zamboanga City.

Arestado rin sa operasyon ang dalawang suspect na nakilalang sina Jordan Sali, 30, at Abdulhakim Ibrahim, 35, pawang mga residente ng lungsod.

Batay sa ulat ng Police Regional Office (PRO)9, nadakip ang mga suspect dakong 7 a.m. sa isang checkpoint .

Naharang sa checkpoint ng mga awtoridad ang Suzuki multi-cab na minamanaho ni Jordan na naglalaman ng mga smuggled na sigarilyo.

Nang siyasatin ng mga awtoridad ang multicab ay tumambad sa kanilang harapan ang 26 cases ng smuggled cigarettes na kinabibilangan ng 1,300 rims ng Red Bravo cigarettes na nagkakahalaga ng P910,000.00.

Ang mga kontrabando kasama ng sasakyan ay dinala sa Zamboanga City Police Station 9 bago dalhin sa kustodiya ng Bureau of Customs.

Sasampahan naman ng kaukulang kaso ang naarestong suspects.

AUTHOR PROFILE