Suspek

2 dayuhan hinarang sa NAIA dahil may child abuse cases

February 15, 2024 Jun I. Legaspi 150 views

HINARANG ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) inspectors sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Papua New Guinea at American national na convicted sa Australia sa kasong may kinalaman sa child abuse.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, hindi pinayagang makalabas ng NAIA Terminal 1 si Arthur Stuart, 23, nang dumating lulan ng Air New Guinea flight mula Port Moresby.

Sinabi ni Tansingco na alinsunod ang pagharang kay Stuart sa Sec. 29 (a) 3 ng Philippine immigration act na nagbabawal sa pagpasok ng mga dayuhang convicted sa mga krimeng may kinalaman sa moral turpitude.

Ayon sa database, Marso 24, 2022 nang ideklara ng korte sa Perth, Western Australia na guilty si Stuart sa kasong sexual penetration ng batang nasa 13-16 anyos.

Ginawa umano ni Stuart ang krimen sa pagitan ng Enero hanggang Marso 2021 kung saan nabuntis pa nito ang 14 anyos na biktima.

Samantala, isang American pedophile, si Timothy James Foley, 64, ang hinarang din ng mga tauhan ng BI sa NAIA Terminal 1.

Rehistradong sex offender (RSO) si Foley at na-convict ng korte sa Kings County, California noong Aug. 14, 2018 dahil sa possession and control of child pornography.

Pinasakay sa susunod na flight ang dalawa patungo sa kanilang mga pinanggalingan at kapwa ban na sa Pilipinas.

AUTHOR PROFILE