Posas

2 binatilyo ‘nagdamo’, huli sa panghahalay ng 2 kainuman

November 22, 2023 Edd Reyes 181 views

TIMBOG ang dalawang hinihinalang drug addict nang halayin umano ang dalawang babaeng kainuman, isa rito’y menor-de-edad, matapos makatakas ang mga biktima Martes ng madaling araw sa Navotas City.

Kaagad inatasan ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes si P/Capt. Arnel Perez, Commander ng Police Sub-Station-1, na tugisin ang mga suspek na nagresulta sa pagkakadakip sa 20-anyos na si alyas “John” at sa umano’y kasabuwat niyang binatilyo na natuklasang wala pa sa hustong edad.

Lumabas sa imbestigasyon ni P/SSg. Eddie Vira Rosario ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Navotas police na nayakag ng mga suspek ang 18-anyos na kaibigan at menor-de-edad na kasama sa pag-iinuman sa loob ng bahay ni alyas “John” sa Marikit St. Brgy. Tanza 1 Martes ng madaling araw.

Sa gitna ng inuman, humiti umano ng marijuana ang dalawa at nang ma-high na sa droga, lumabas sandali ang binatilyo na sinamantala ni alyas “John” at halinhinang minolestiya ang dalawang babaing kainuman.

Pagpasok ng binatilyo, nakita niya ang ginagawang kahalayan ng kasama sa menor-de-edad na dalagita, pero sa halip na awatin, hinalay na rin niya ang 18-anyos na biktima.

Sa ulat ni Col. Cortes kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, naabutan pa ng kanyang mga tauhan sa bahay ni alyas John ang mga suspek nang isagawa ang pagtugis dakong alas-5 ng madaling araw at nasamsam pa sa mga ito dalawang plastic ice bag na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana.

Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 8353 o ang Anti-Rape Law, Acts of Lasciviousness at paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang dalawa sa Navotas City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE