Milk Day Si Vice Mayor-elect John Marvin ‘Yul Servo’ Nieto habang nagsasalita sa ‘World Milk Day 2022’ na ipinagdiwang ng Alaska Milk Corporation (AMC) sa kanilang ika-50 taong anibersaryo sa Kartilya ng Katipunan sa Maynila. Photo courtesy of Manila PIO

‘World Milk Day’ ipinagdiwang sa ika-50 anibersaryo ng AMC

June 1, 2022 Edd Reyes 477 views

SA kanilang ika-50 taong anibersaryo, ipinagdiwang ng isa sa pinakamalaking gumagawa ng gatas sa Pilipinas ang “World Milk Day” sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila na ginanap sa Kartilya ng Katipunan, Miyerkules ng umaga.

Sa pamamagitan ng temang “Nagbibigay ng Alaga at Nutrisyon sa Bawat Pamilyang Pilipino sa Loob ng 50-Taon”, binigyang-diin ng Alaska Milk Corporation (AMC) sa kanilang pagdiriwang ang papel ng kompanya na makatulong sa paglutas ng malnutrisyon sa bansa.

“Malnutrition has long been affecting our growing children, and the pandemic has only worsened the problem,” pahayag ni Congressman at ngayon ay Manila Vice Mayor-elect John Marvin “Yul Servo” Nieto sa kanyang pagsasalita.

Sa datos ng United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF), 95 bata sa Pilipinas ang namamatay dahil sa malnutrisyon araw-araw habang marami ring mga bata ang nababansot dahil kulang sa masustansiyang pagkain.

Dahil dito, nangako ang AMC na magkakaloob ng 100,000 baso ng gatas sa mga mag-aaral na dumaranas ng malnutrisyon.

Ayon kay AMC People and Culture Director Edalyn Hadjilla Legarde, hindi lang ito pagdaraos ng 24-na oras na selebrayon kundi nagbubukas din ito sa isipan sa kahalaganan ng gatas na bahagi ng malusog na pagkain ng mga Filipino.

Dagdag pa niya, kumonsumo lamang ang maraming Filipino ng 22 kilo ng gatas noong 2021 na malayo sa inirekomendang 91.25 kilo ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI).

Isa ring naging tampok sa selebrasyon ng AMC’s World Milk Day ang “Alagang Alaska Cook-Off” na kompetisyon sa pagluluto ng mga piling kawani ng AMC at mga ina ng Maynila, gamit ang produkto ng Alaska Milk.

Kabilang naman sa mga dumalo sa naturang okasyon sina Manila City Government Executive Assistant to the Mayor on Special Projects Architect Joy Dawis-Asuncion, Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Maria Asuncion “Re” Fugoso, Department of Interior and Local Government (DILG) Manila Director Atty. Rolynne Javier, AMC’s Customer Supply Chain Director Gary Siu, Corporate Affairs Director Maria Angela Esquivel, at Registered Nutritionist-Dietician Jhoanne Cruz-Balili.

Kasama ang mahigit 100 bansa sa buong mundo na nagdiwang din ng World Milk Day 2022, kinuha rin ng AMC ang atensiyon ng lahat sa kahalagahan ng gatas bilang pagkain, bukod pa sa naibibigay na trabaho ng industriya.

Magkatuwang na isinulong nina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor at ngayon ay Mayor-elect Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang programang makakalutas sa isyu ng malnutrisyon, alinsunod na rin sa 2030 Agenta for Sustainable Development.

AUTHOR PROFILE