Default Thumbnail

‘What benchmarking?’

March 9, 2023 Paul M. Gutierrez 284 views

PaulBAGO ang lahat, nagpapasalamat ulit tayo kay BOC Commissioner Bien Rubio dahil pumayag siyang “maisingit” tayo kahit ilang minuto lang sa kanyang ‘hectic schedule’ noong Miyerkules para sa sandaling kuwentuhan at kumustahan. ‘Yun ang ‘first time’ na nakausap natin si Comm. Rubio matapos siyang maitalagang customs commissioner ni PBBM noong isang buwan.

Aber, sa sobrang busy nga ni Comm. Rubio, hindi na tayo nagawang alukin ng kahit isang tasang kape, man lang—mabuti na lang at palaging may kape sa tanggapan ni DCI Juvymax Uy at Depcomm Vener Baquiran, hehehe!

***

Noong Miyerkules, bago napaunlakan ang ating ‘audience,’ kagagaling lang pala ni Comm. Rubio sa pakikipagpulong sa ating “Bossman,” DOJ Secretary Boying Remulla, kung saan napag-usapan nila kung paano pa mapapalakas ang pagtutulungan ng BOC at DOJ sa kampanya laban sa smuggling.

Naniniwala tayong maganda ang ibubunga ng kanilang ‘meeting’dahil bibilis na ang pag-usad ng mga kasong isinampa ng ‘BATAS’ (BOC Action Team Against Smuggling) sa DOJ.

Alam mo ba, Bossman Boying na aabot na sa higit 400 reklamo ng smuggling, kasama na ang economic sabotage, ang naisampa nang BATAS sa iyong tanggapan sapul pa noong 2016 pero “milagro” na mas mabilis pang tumakbo ang pagong bago umusad ang mga ito pagdating sa DOJ?

Abah, baka naman… may “parking business” din dyan, Bossman, sa mga reklamo at kaso, katulad sa Ombudsman, na hindi mo pa nabibisto, hehe!

Ang siste tuloy, BOC ang palaging “nagigisa” tuwing may pagdinig sa Senado at Kongreso sa kawalan ng ‘conviction’ sa mga reklamong isinampa nila kahit wala na sa kanilang poder ang desisyon at nasa kamay na ng DOJ, aguy!

Oh well, harinawang magkaroon na ng pagbabago sa mga proseso at sistema kaya, abangan na lang natin!

***

Binabalak din pala ng BOC, simula sa susunod na linggo, na idaan sa ‘refresher course’ ang ‘Assessment Division’ hinggil sa tamang pagkuwenta ng tamang mga buwis sa mga dumarating na kargamento (imported goods).

Para sa atin, maganda ang panukalang ito ni AOCG deputy commissioner Atty. Vener Baquiran. Bakit kanyo?

Dangan nga kasi, marami nang “tamad” na mga customs appraisers at examiners sa ngayon na “nasanay” na sa kung ano na lang ang magustuhan nilang ‘benchmark assessment’ sa mga kargamento!

Oops! Gusto nating ipaalala sa lahat na taliwas sa ipinapakalat ng mga “maritess” sa Aduana, walang ‘benchmarking’ sa administrasyon ni Comm. Rubio, hane?

Eh, nagulat pa nga tayo at medyo nagsalubong ang kanyang kilay– medyo lang naman, hehehe– nang mabanggit natin ang “reklamo” hinggil sa benchmarking.

Aniya pa, “wala,” as in, ‘zilch, zero, bokya’ siyang utos o pagpayag, ‘directly or implied,’ hinggil sa benchmarking na una pa nga sa lahat ay iligal sa ilalim ng CMTA at kahit sa GATT-WTO.

Ganito rin ang idinidiin sa atin ni Depcomm. Vener na kilala at respetado pagdating sa customs valuation at kaya nga siya ang AOCG (Assessment Operations Coordinating Group) deputy commissioner ngayon ay dahil nga sa kanyang ‘expertise.’

Maraming salik (factors) na nakikita si Depcomm Vener kung bakit paulit-ulit na lang itong “hinala” hinggil sa benchmarking at isa sa nakikita niyang “solusyon” sa isyung ito ay ang ikinakasa niyang ‘refresher course’ sa mga taga-Assessment.

Muli, tantanan na ang hinala sa benchmarking sa Aduana dahil, nga “tamang-hinala” lang ‘yan!

AUTHOR PROFILE