Default Thumbnail

Walong multi-purpose hall itinatayo sa Navotas

May 4, 2022 Edd Reyes 407 views

Edd ReyesMAHIRAP talagang gibain sa Lungsod ng Navotas ang tandem nina Mayor Toby Tiangco at Cong. John Rey Tiangco dahil sa dami ng kanilang magagandang proyekto, programa at imprastraktura na talaga namang pakikinabangan ng matagal ng mga Navoteno.

Nito nga lang nakaraang Linggo, pinangunahan nina Cong. John Rey Tiangco at Mayor Toby Tiangco ang inagurasyon at pagpapasinaya sa 3-palapag na gusali sa Kapitbahayan, Brgy NBBS Kaunlaran na isa lamang sa walong itinatayong multi-purpose building na naisakatuparan sa pamamagitan ng pag-uudyok ni Cong. Tiangco sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na nag-pondo sa proyekto.

Sabi ng kongresista, magagamit bilang lugar ng pagpupulong, pagsasagawa ng pampalasakang aktibidad at paglalagay ng ibang mga tanggapan ang mga itinatayong walong gusali na may paradahan ng sasakyan sa unang palapag kaya’t hindi na kinakailangan pang humanap ng lugar ang kanilang mga kababayan para sa pagdausan ng kanilang aktibidad.

Ang iba nga palang multi-purpose building na nakatakda na ring matapos ngayong taon ay ang mga itinatayo sa Phase 1-A, Phase 1-B, at Phase 1-C sa Brgy. NBBS Kaunlaran, at Phase 2 Area 1 at Tumana sa Brgy. NBBS Dagat-dagatan habang nagsimula na ring itayo ang kahalintulad na mga gusali sa Brgy. San Rafael Village at sa NavotaAs Homes 1-Tanza.

Kabilang sa mga dumalo sa inagurasyon sina Vice Mayor Clint Geronimo, mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod at opisyal ng Kapitbahayan Homeowners Association.

KABI-KABILANG KASIYAHAN PAMBAWI SA 2-TAONG PAGKABAGOT

MISTULANG nakawala sa kural ang karamihan sa mga kabataan na dalawang taon ding nakulong sa loob ng kani-kanilang tirahan bunga ng pandemyang dulot ng COVID-19.

Binabawi kasi nila ang pagkaka-tengga sa loob ng bahay sa pamamagitan ng sports activities sa kanilang barangay tulad ng basketball, volleyball at badminton kaya’t asahan na ang pagsasara ng ilang secondary at tertiary road sa Kamaynilaan na ginagamit sa paglulunsad ng masayang aktibidad.

Pero dito pala sa Barangay Mayamot sa Antipolo City, iba ang pinagmulan ng kaguluhan dahil nilagyan umano ng ilegal na sugal ng isa raw alyas Egay Daga ang naturang lugar malapit sa Cherry Foodarama na naging ugat ng insidente ng pananaksak sa isa sa mga naninirahan sa kalapit na subdivision na tutol sa ilegal na aktibidad.

Bunga nito, hinigpitan na ni Antipolo Acting Police Chief P/Lt. June Paolo Abrazado ang pagbabantay sa mga lugar na pinagdarausan ng kasiyahan ng bawa’t pamilya para hindi na makasingit ang paglalagay ng ilegal na sugalan pero ang nangyari, ikinalat lang pala umano ng mga operator na nagtago sa mga alyas Taguro, Bonjing, Lito at Jess M. ang ilegal na aktibidad sa mga lugar sa Brgy Sta Cruz sa Marilaque Highway, Brgy. Dela Paz sa Oliveros St. at Brgy. Pinugay na pawang nasa Antipolo City.

Dahil na rin sa nangyaring karahasan sa Brgy. Mayamot, kinailangan na ring suriing mabuti ni Police Regional Office (PRO) Calabarzon Director P/BGen. Antonio Yarra ang ganitong mga ilegal na aktibidad sa kanyang nasasakupang mga lalawigan dahil bukod sa Antipolo, nagsingit din ng mga mesa ng numbers game sa mga mini-carnival sa Brgy San Guillermo sa Sumulong Road sa Morong, Brgy Macamot sa Binangonan at Brgy. Sta Ana Floodway sa Taytay ang mga operator na nagtago rin sa mga alyas na Rambo, Boylyf at Lolong.

Pero kung susumahin pala ang dami ng mga isiningit na mga mesa ng illegal numbers game sa mga itinayong kasiyahan sa lalawigan ng Rizal, halos kasinglawak lang ang mga ito ng puwesto ng isang alyas Baby P. sa may Looc, Calamba at Mamplasan sa Binan.

Hindi lang siguro nabibigyang pansin ni BGen. Yarra ang ganitong reklamo ng mga residente dahil abala na ang kapulisan sa paghahanda sa nalalapit na halalan.

AUTHOR PROFILE