Default Thumbnail

‘Wait and see’

January 24, 2024 Vic Reyes 118 views

Vic ReyesSA Miyerkules ay matatapos na ang unang buwan ng 2024, na isang leap year.

Papasok na tayo sa buwan ng mga Puso.

Marami ang nag-aabang kung magkano ang revenue collection ng Bureau of Customs (BOC) sa buwan ng Enero.

Dito kasi matatantiya kung malalampasan o maabot man lang ng ahensya ang kanyang napakataas na 2024 target collection.

Sa taong ito ay naatasan ng gobyerno na mangolekta ang mga taga-BOC ng tumataginting na P1 trilyong revenues.

Hindi puwedeng magpabaya ang mga opisyal at tauhan ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio dahil “mabigat ang laban.”

Walang nakakaalam kung anu-anong challenges ang kakaharapin ng bansa sa susunod na labing-isang buwan ng taon.

Kung maganda ang takbo ng ekonomiya ay siguradong lalago ang import business at tataas ang BOC revenue collecion.

Kung hindi ay siguradong bubulusok pababa ang volume at value ng ating importasyon.

Siyempre mapipilitan ang mga importer na magdahan-dahan sa pag-angkat kasi nga matumal ang negosyo.

Sa tingin natin ay nasa “wait-and-see attitude” muna ang mga negosyante.

***

Ang balita natin ay marami na ang apektado ng kinatatakutang “El Nino” weather phenomenon sa Pilipinas.

Ang talagang apektado dito ay ang sektor ng agrikultura.

Marami na ang magsasakang umaaray dahil sa kawalan ng ulan. Ang laki na ng gastos nila dahil kailangan nilang patubigan ang kanilang mga pananim.

Napakagastos nito dahil mahal ang gasolina at krudo na kailangan ng mga water pump.

Napipilitan silang umutang sa mga userero para pambili ng gasolina, krudo at langis.

Napipilitan pa silang magbayad ng taong magbantay sa bukid habang pinapatubingan ang kanilang mga pananim.

Ang problema diyan ay baka pagdating ng anihan, bagsak presyo pa ang kanilang mga ani dahil nandiyan pa ang imported goods.

Hindi lang sila malulugi. Malulubog pa sila sa utang dahil uutang na naman sila para may pambili ng basic necessities.

Lalo na ang bigas at ulam, na kadalasan ay tuyo, itlog at gulay na lang.

Kawawa naman ang mga magsasaka.

***

Katatapos pa lang ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKEs) pero pulitika na naman ang pinag-uusapan sa bansa.

Sa Oktubre kasi ay magpa-file na naman pala ng certificate of candidacy (COC) ang mga tatakbo sa May 12, 2025 elections.

Sa darating na eleksyon ay pipili na naman ang mga rehistradong botante, na lampas 60 milyon na, ng labin-dalawang senador.

Libu-libong local government officials, mula gobernador hanggang konsehal ng syudad at bayan, ang ihahalal.

Nandiyan din ang mahigit tatlong-daang miyembro ng House of Representatives.

Magpipista na naman ang mga botante!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE