Default Thumbnail

Usok-lason polusyon forever?

September 24, 2023 Joey C. Papa 241 views

Joey PapaNitong nakaraang linggo ay nag-alala ang maraming residente ng Kamaynilaan gayundin ang Timog Katagalugan dahil sa usok-lasong polusyon sa hangin.

Sa mga lalawigan ng Batangas at Cavite, nagbuga ang bulkang Taal ng sulfur dioxide o vog, kaya sabi nga kamag-anak ko na nakatira sa lunsod ng Tagaytay, “nagdilim ang langit.” Natural walang pasok ang mga istudyante maging ang mga empleyado ‘umano sa mga tanggapan ng pamahalaan.

Mapanganib ang sulfur dioxide ayon sa mga kinauukulan. Alam nating lahat na kapag pumasok sa baga ang usok mula sa bulkan, magbibigay ito ng sakit mula sa katatamtaman hanggang malalang kalagayan.

Ilang ulit nang nangyaring dumilim ang kalangitan sa dalawang lalawigan nabanggit dahil sa madalas na pag-aalburoto ng bulkan.

Mukhang hindi naman tanggap ng mga residente malapit sa bulkan ang paglilipat sa kanila sa ibang komunidad upang mailayo sila sa panganib.

Doon na nga naman sila ipinanganak, lumaki, nagkapamilya, at naghanapbuhay. Ika nga’y nagkaugat na sila sa kanilang pamayanan.

Binalot din naman ng dilim ang kalangitan ng Metro Manila o Kamaynila dahil sa smog o usok-lasong polusyon galing sa mga sasakyang nagbubuga ng usok, mga pagawaan at industriyang nagbubuga ng carbon. Matagal nang nagyayari ito. Hindi lang ngayon.

Naging mainit na balita lang ang pagdidilim ng kalangitan dahil nagkasabay ang pagbubuga ng bulkang Taal ng sulfur dioxide at paglala na nang polusyon ng hangin sa Kamaynilaan.

Isang krisis ang usok- lason polusyon sa Metro Manila o Kamaynilaan!

May isa ‘umanong pasahero ng eroplano ang nagkuwentong hindi makalapag ang sinasakyan nilang eroplano sa Maynila dahil walang makita ang piloto kundi makapal na lambong ng itim sa ulap. Kinailangan nilang magpaikot-ikot sa himpapawid ng maraming oras upang makakita lamang ng liwanag para makalapag sila.

Manipis na ang hinihinga nating hangin dito sa Kamaynilaan. Ang daling malaman nito. HIgit na makapal pa ang hangin kung pupupunta sa mga bundok ng lalawigan ng Rizal dahil sa mataas ito, malapit sa bundok Sierra Madre at marami pang punong natitira. Masarap huminga nang malalim.

Ngunit naapektuhan din ng vog ang Rizal dahil malapit lang naman sila Batangas at Cavite. Bahagi rin sila ng Timog Katagalugan.

May ilang taon na ang nakararaan, nakita ko ang malawak na haze o smog sa kanto ng Edsa at Santolan Road noon. Mga alas-siyete ng umaga ito. Hindi masyadong maraming sasakyan. Maitim ito at tila mamantika ang itsura ng nasa atmosperang sa una’y mapagkakamalang ulap.

Pagbalik ko pagkaraan ng may talong oras, naroon pa rin ang smog. Ito ang naipong usok-lasong polusyon.

Marami akong nakakuwentuhan sa mga kasapi ng people’s organization at sila man ay nasaksihan din ang makapal na smog.

May ilang nakita ang smog sa ibang lugar tulad ng Monumento at Balintawak at iba pang lugar na hindi ko na matandaan.

Kasama na natin sa pang-araw-araw na buhay n dito sa Metro Manila ang usok-lasong polusyon ng hangin. Hanggat hindi matapat na inilulunsad ang paggamit ng alternatibong enerhiya kapalit ng fossil fuel tulad ng coal, diesel, gasoline, hindi na mawawala ang lasong polusyon sa ating atmospera.

Kasabay nito ay ang mga sakit na idinudulot na sa ngayon sa mga bata’t matanda tulad ng mga sakit sa baga at iba pa. Lubhang mapanganib ito.

Wake up call ang pagkakasabay ng vog at smog. Maraming natakot. Natakot din kaya ang mga gumagawa ng mga lasong ito? O nakatira naman sila sa ibang bansa o malalayong magagandang lugar sa labas ng Kamaynilaan. Ngunit hahabulin din sila ng usok-lasong polusyon. Wala itong hangganan o boundary.

Kailangang kumilos na hanggang di pa huli ang lahat. Huwag nating hintayin na balutin ng haze ang kalangitan ng buong Pilipinas ####

AUTHOR PROFILE