Bong Go

‘UNAHIN SEGURIDAD NG PILIPINO’ – BONG GO

June 16, 2023 People's Tonight 173 views

Pagkupkop ng PH sa Afghan refugee:

Binigyang-diin ni Senador Christopher “Bong” Go na dapat unahin ng pamahalaan ang seguridad ng mamamayang Pilipino sa harap ng kahilingan ng Estados Unidos na bigyan ng pansamantalang tirahan sa Pilipinas ang mga Afghan refugee.

Gayunman, sinabi ng senador na habang tinitiyak ang seguridad ng ating mga kababayan, isaalang-alang din ang makataong pagtulong sa ibang lahi na nangangailangan ng kalinga bilang obligasyon ng bansa sa pandaigdigang komunidad.

Sa isang ambush interview matapos tulungan ang mga mahihirap na residente sa Quezon City nitong Huwebes, sinabi ni Go na ayaw muna niyang magbigay ng konkretong komento sa nasabing isyu.

Miyembro ng Senate committee on foreign relations at vice chairman ng Senate defense committee, sinabi ng senador na dapat munang pakinggan ang concerns ng lahat ng kaugnay o may kinalamang ahensya sa nasabing usapin.

Iginiit ng mambabatas na mahalaga ang maingat na pagsusuri sa potensyal na epekto sa pambansang seguridad ukol sa hiling ng US isyu na papasukin sa bansa ang Afghan refugee.

“I am a member of the Senate committee on foreign relations, it is not prudent on my part na magbigay muna ng komento sa ngayon dahil kailangan pa nating mapakinggan lahat ng concerned agencies,” ani Go.

Ang komite ay nagtakda ng agarang pampublikong pagdinig sa Biyernes upang talakayin ang kahilingan ng Estados Unidos.

Una itong binalak na isagawa nang pribado ngunit binago para sa isang pampublikong pagdinig dahil isa itong napakahalagang isyu.

“As a vice chairman po ng Senate defense committee, it is my interest na anumang arrangement we will have, ‘di dapat malagay sa alanganin ang seguridad ng ating mga kababayan. Importante muna ngayon seguridad ng Pilipino,” pagdidiin ni Go.

Ibinunyag ni National Defense Secretary Gilbert Teodoro na kasalukuyang pinag-aaralan ng gobyerno ang isyu, kung saan ang Department of Foreign Affairs ang nangunguna sa mga talakayan.

Pinayuhan naman ni dating Pangulong Duterte, kilala sa kanyang matibay na paninindigan sa pambansang seguridad, si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maingat na isaalang-alang at masusing pag-aralan ang mga implikasyon nito bago gumawa ng desisyon.

AUTHOR PROFILE