Default Thumbnail

Turista sinalpok ng SUV; 1 dedo, 4 sugatan

May 3, 2023 Zaida I. Delos Reyes 1481 views

PATAY ang isang estudyante habang sugatan ang apat nitong kasamahan matapos na masagasaan ng isang Mitsubishi Montero SUV (sport utility vehicle) sa Barangay Urbiztondo, San Juan, La Union.

Nakilala ang nasawi na si Aldrick Espinosa, 19-anyos, residente ng Taguig City.

Isinugod naman sa pagamutan ang mga kasamahan nito na sina Sharney Rubio, Eryn Amante, Rowell De Guzman, at Maria Quisha Denaga, pawang mga turista sa lugar.

Batay sa ulat ng San Juan Police Station, naganap ang insidente nitong Martes sa national highway ng Bgy. Urbiztondo.

Naglalakad umano ang mga biktima sa sidewalk nang araruhin ng Mitsubishi Montero na minamaneho ng isang 60-anyos na lalaking drayber.

Sa lakas ng impact ng aksidente ay nagtamo ng maraming sugat sa katawan ang mga biktima at isinugod sa pagamutan.

Hindi na nailigtas pa ang buhay ni Espinoza habang inaresto naman ang drayber ng SUV.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.