Bautista

Turismo tiyaking walang kapalpakan sa contact-tracing vs COVID-19

February 6, 2022 People's Tonight 350 views

DAPAT siguruhin ng pamahalaan na walang kapalpakan ang contact tracing system sa pagluluwag ng mga travel restrictions at pagbubukas ng Pilipinas sa mga dayuhang turista.

Ito ang iginiit ng Turismo Isulong Mo Partylist  kahit na mga fully-vaccinated na turista lamang ang papapasukin sa bansa.

Ayon kay Atty. Marco Bautista, nominee ng Turismo, kailangan fail-safe ang contact tracing para mapigilan kaagad ang paghahawaan kung sakaling may nakapasok sa bansa at madiskubreng positibo sa COVID-19.

Sa ngayon ay ipinatutupad ang wala nang mandatory facility-based quarantine para sa mga darating sa bansa na kumpleto sa bakuna ngunit kailangan nilang magpakita ng negative-result ng RT-PCR test na isinagawa sa nakalipas na 48-oras.

Sinabi ni Bautista, dapat ay tiyakin na maayos ang contact tracing system mula sa pagdating ng mga turista sa bansa hanggang sa pagpunta nila saan mang destinasyon sa Pilipinas para kung saka-sakali ay madali ang pagtugon sa pangangailangan ng sinumang magkakasakit.

Hinikayat din ni Bautista, ang mga local government unit (LGUs) na malugod na tanggapin ang mga foreign at domestic tourists habang ipinatutupad ang health and safety standards.

“Mahigpit dapat ang contact-tracing ng LGU’s sa pagdagsa ng mga turista sa tourist destinations, sabi pa ni Bautista, dati ring undersecretary ng Department of Tourism (DOT).

Pinuri rin ni Bautista ang pag-aalis ng isolation requirement sa mga balikbayang overseas Filipino workers (OFWs) na fully-vaccinated.

AUTHOR PROFILE