Default Thumbnail

Totoong may bad karma Kap!

October 22, 2023 Joey C. Papa 200 views

Bangon kalikasanNAGSIMULA na naman ang ingay sa mga kalye ng mga barangay dahil sa halalang pambarangay.

Natural kampanyahan na naman.

May narinig akong isang residente sa isang barangay na inis na nagkomentaryo na: “Ang ingay nila! Sabadong-sabado at pahinga naman namin mula sa limang araw na trabaho tapos bubulabugin ka naman ng mga kandidatong ito! Ngawa naman sila ng ngawa, tapos ‘pag naupo wala namang gawa!”

May ilan pa akong narinig na dati na umano nating naririnig hindi lang sa mga kumakandidato sa barangay kundi maging sa mga pambansang halalan: “Saan sila kumuha ng panggastos nila sa kampanya?”

May narinig pa akong: “Boycott na lang! Wala namang nangyayari diyan sa barangay election na ‘yan!”

Barangay tagay lang at barangay zumba!

Narinig ko naman noong unang araw ng kampanya ang maingay na tambol ng mga drum.

Tila ba ati-atihan ang tempo ng palo sa drum nila.

May sumigaw na pabiro na may beauty contest na naman daw sa kalye!

Wala naman akong nakitang beauties.

May hugot ang birong ‘yun.

May mga nagsisiraan na sa ibang lugar, ayon sa mga narinig ko sa mga kakilala kong nagmamasid din sa ibang barangay.

Marami na nga ring pinatay na mga kandidato at mga nakaupong opisyal ng barangay kasama ang mga kagawad.

Bakit sila nagpapatayan?

May malaking salapi bang sangkot kapag naging punong barangay (PB) at kagawad?

May kaakibat na kapangyarihan ang alam ko.

Pirma sa mga permit ng mga establisimiento umano ang pinag-aawayan sa mga nagnanais maging hari o reyna ng barangay.

Kung mayaman ang barangay, maraming negosyo, maraming permit ang kailangan umanong “pirmahan”.

Nasa “permitting” nga ba ang kababalaghan?

Malalaman ba natin ‘yan?

‘Yan ay mga hinuha lang ng mismong mga residente lalo na kapag ang isang natapos na PB ay nagkaroon na nang mga pag-aari na wala naman siya noong hindi pa siya nakaupo.

Wala ring ipinagkaiba sa pambansang posisyon?

Kailan lang ay narinig ko at nagulat ako na isang taong-gobyerno na nagretiro na, ay siya na umano ngayong pangulo o ikalawang pangulo ng isang kumpanya na dati ay binibigyan ng tanggapan niya ng permit noong siya ay nasa serbisyo pa!

Naging “close” ba sila?

Sa isang barangay, hindi madisiplina ng PB ang isang negosyante kahit may paglabag dahil umano’y botante niya ito.

Bago pa ba ito?

Maraming gusot sa pamahalaang barangay tulad din ng sa pambansang pamahalaan ang hindi pa naaayos hanggang sa ngayon.

Mahigit limang dekada na ang nakararaan ngunit ang usapin ng korapsyon ay nasa gitna pa rin ating buhay pang-araw-araw.

Titino pa ba ang Pilipinas?

Titino pa naman hanggang may mga pinuno pa sa barangay man o pambansa ang pinipilit iayos ang bulok nang sistemang matagal nang umiral sa ating lipunan.

Sinasaluduhan ko pa rin ang mga pinuno sa barangay at pambansang ahensya na patuloy pa ring sinisikap na ituwid ang bulok na sistema ng burukrasya.

Ang mensahe ko lang sa mga baluktot ay: “Umayos ka Kap! Totoong mayroong bad karma!”

AUTHOR PROFILE