Default Thumbnail

Top 1 MWP sa Pasay nadakip sa Oplan Galugad

May 31, 2023 Edd Reyes 156 views

BUNGA ng walang humpay na pagtugis ng kapulisan laban sa mga kriminal na nakagawa ng karumaldumal na krimen, nahulog sa kamay ng batas ang itinuturing na Top 1 Most Wanted Person nitong Martes sa Lungsod ng Pasay.

Kinilala ni Souhern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft ang nadakip na si John Peter Gascon, 26, na itinuturing na numero unong wanted sa batas sa Pasay City bunga ng kinakaharap na kasong panggagahasa.

Sa ulat na isinumite ni BGen. Kraft kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Edgar Alan Okubo, nagsagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ng Pasay police dakong alas-10 ng umaga sa kahabaan ng St. Joan St. Brgy. Maricaban matapos makatanggap ng impormasyon na nasa naturang lugar ang akusado.

Hindi naman nabigo ang kapulisan matapos nilang matunton at tuluyang madakip ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Christian Pascual Castaneda ng Pasay City Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 109 nito lamang Marso 17, 2023 para sa dalawang bilang na kasong Rape na walang kaukulang piyansang inirekomenda para sa pansamantalang paglaya.

Nagpaabot naman ng kanyang pagbati sa mga tauhan ng Pasay City police, partikular sa Warrant and Subpoena Section, si MGen. Okubo dahil aniya sa ipinamalas na dedikasyon at propesyunalismo ng kapulisan sa pagdakip sa mga gumagalang mapanganib na kriminal.

Tiniyak naman ni BGen. Kraft na mananatili silang matatag sa kanilang pangako na maging ligtas at payapa ang bawa’t komunidad sa pamamagitan ng walang humpay na pagtugis sa mga masasamang elemento ng lipunan sa Katimugang bahagi ng Kamaynilaan.

AUTHOR PROFILE