Tolentino

Tolentino: Mga apektado ng pagsabog ng Kanlaon kailangan ng malinis na tubig

June 5, 2024 People's Tonight 62 views

BINIIGYANG -DIIN ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang pangangailangan ng gobyerno na tiyakin ang supply ng malinis at maiinom na tubig para sa mga residenteng naapektuhan ng pagsabog ng Mt. Kanlaon kamakailan.

Sa kanyang daily programa sa umaga na “Usapang TOL on DWIZ,” sinabi ni Tolentino sa tagapagsalita at assistant secretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na si Irene Dumlao na ang suplay ng tubig sa mga apektadong komunidad ay maaaring makontamina ng ashfall na nagmumula sa bulkan.

“Regarding the water supply in Kanlaon, although there is abundant water, it may be contaminated by ashfall. Coordination with local water districts is necessary,” ani Tolentino.

Bilang tugon, tiniyak ni Dumlao na susuriin ng DSWD ang mga umiiral nang kasunduan sa mga water district utilities sa lugar para makakuha ng malinis na suplay ng tubig.

Sa inisyal na datos ng DSWD, nasa 2,000 indibidwal mula sa 16 barangay sa Negros Occidental, at 4 barangay sa Negros Oriental ang naapektuhan ng pagsabog ng bulkan.

Humigit-kumulang 1,400 indibidwal ang kasalukuyang nakasilong sa 12 evacuation centers.

Namahagi ang DSWD ng mga family food packs at sleeping kits sa mga residente at magbibigay ng face masks para mabawasan ang panganib sa kalusugan mula sa ashfall.

AUTHOR PROFILE