Vic Reyes

Tayo na ang umaangkat ng bigas sa mga bansang dito lang nag-aaral sa IRRI

January 31, 2024 Vic Reyes 121 views

SA Oktubre ay hainan na naman ng certificate of candidacy (COC) para sa mga kakandidato sa national at local elections sa susunod na taon.

Dati ay nagkaka-migraine na ang ilang opisyal, lalo na ang natulungan ng mga politiko para malagay sa puwesto, sa aduana kapag papalapit na ang elekson.

Kailangan kasi nilang mag-ambag sa political campaign fund ng backer nilang politiko na kakandidato sa eleksyon.

Siyempre naman hindi sila makakatanggi sa “lambing” ng “sponsor” nila kahit na problema kung saan sila kukuha ng pera.

Noon, madalas na naririnig sa loob at labas ng mga opisina sa aduana: “Mga bata ‘yan ni congressman, governor o alkalde.”

Kaya napapangiti at napapailing na lang ang mga waterfront-based na mamamahayag kung naririnig ang mga ganitong usap-usapan.

Kung minsan nga ay naaawa ang mga reporter sa mga opisyal na ito.

Ang hirap nga namang mag-produce ng perang hinihingi ng kanilang “ninong” o “ninang” na politiko.

Hindi natin alam kung saan sila kumukuha ng pera dahil hindi naman gaanong kaatasan ang kanilang monthly pay.

Mabuti naman at wala na tayong naririnig na ganyang usap-usapan sa aduana.

Kung meron pang ganyan ngayon sa snake-infested waterfront ay hindi natin alam dahil tikom ang bibig ng lahat.

Alam naman ng lahat na mahirap ng magsalita ngayon dahil nandiyan na ang social media na paboritong sumbungan ngayon ng mga problema.

Siyempre, mahirap ng mag-Marites ngayon dahil kahit sino ay puwedeng gumamit ng social media para ilantad ang mga kalokohan.

Hindi na kailangang magsumbong sa diyaryo, radyo o telebisyon.

Oo nga naman!

***

Noong rehimen ni yumaong Pangulong Ferdinand E.Marcos ng Ilocos Norte ay rice exporter ang Pilipinas.

Hindi lang ‘yan. Dito pa nagpaka-dalubhasa sa pagtatanim ng palay ang mga scientist ng mga bansang exporter ngayon ng bigas.

Dito kasi sa Pilipinas, sa Los Banos, Laguna, matatagpuan ang kilalang “International Rice Research Institute (IRRI).”

Ngayon, tayo na ang umaangkat ng bigas sa mga bansang dito lang nag-aaral sa IRRI.

Ang totoo niyan ay Vietnam pa ang magsu-supply sa atin ng dalawang milyong metric tons ng bigas kada taon.

Ito ang nilalaman ng isang trade agreement na pinirmahan ng Pilipinas at Vietnam noong isang araw.

Sana buhayin na lang natin ang “Masagana 99” program ng ama ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Hindi masama maging “gaya-gaya” dahil “certified highly-successful” naman ang gagayahin natin.

****

Dapat matigil na ang bangayan ng mga senador at kongresista dahil sa isinusulong na pagbabago sa ating Saligang Batas.

Daanin na lang natin sa maayos at mahinahon na usapan ang napaka-divisive na isyung ito dahil ang dami pa nating mabibigat na problema.

Pangunahin na dito ang patuloy na pagsipa ng presyo ng halos lahat ng mga bilihin, lalo na ang pagkain.

Dapat mabigyang solusyon ngayon ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil marami ang nahihirapan dahil sa kawalan ng trabaho.

Hindi ba, Pangulong Marcos?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #09178624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE