Default Thumbnail

Tatak-Pinoy ni Senador Angara

December 18, 2023 Allan L. Encarnacion 201 views

Allan EncarnacionNOONG panahon ni Pangulong Carlos P. Garcia, isinulong niya ang Filipino First Policy.

Ang layunin nito ay unahin ang interest ng mga Pinoy investors laban sa mga Amerikano. Sa pamamagitan nito ay mapapalakas ang Filipino industry at mapapalawak ang trabaho sa mga lokal na mamamayan.

May isang landmark decision dito hindi ko lang matandaan kung kailan ang eksaktong petsa nangyari pero mga around 1995 ito. Tungkol ito sa tagisan ng mga local at foreign investors sa pagbili ng Manila Hotel mula sa biggest share holder na hawak ng GSIS.

Ang prominenteng naglaban dito ay ang Filipino company na pag-aari ni Don Emilio Yap ng Manila Bulletin vs Malaysian company.

Sa naging pinal na pasya ng korte, ibinigay ang karapatan sa kompanya ni Don Emilio Yap na ang naging sandigan ng desisyon ay ang Filipino First Policy, lalo na’t national heritage na maituturing ang Manila Hotel. At sabi nga, and the rest is history.

Ngayong henerasyon natin, may bagong batas na iiral kapag nalagdaan na ni Pangulong Marcos: ang Tatak Pinoy Bill na ang main author ay si Senador Sonny Angara.

Mas malawak at mas depinido ang batas na ito ni Angara dahil ang bibigyan talaga ng prayoridad ang gawang Pinoy, tatak-Pinoy at tunay na dito sa atin ginawa ang produkto at mga Pinoy ang gumawa.

Sa pamamagitan ng batas na ito, mapalalakas talaga ang industriya ng bansa sa lahat ng aspeto ng negosyo. Ang maganda nga halimbawa rito ay ang pagkakabunyag sa Finance Committee ng Senado na ang uniporme pala ng ating Army, Marines at iba pang sangay ng AFP ay binili sa China. Kumusta kaya ang PNP uniforms?

Taun-taon, may bilyun-bilyong alokasyon ang DND para sa pagbili ng uniporme ng mga sundalo. Kapag naging ganap nang batas ang Tatak Pinoy ni Angara, hindi na puwedeng basta na lang tayo dedepende sa mga imported manufacturers. Sa ilalim ng panukala, kung ang diperensiya ng presyo or mas mataas ng 15% or less kumpara sa imported products, dapat tatak Pinoy made na ang kukuhanin ng pamahalaan.

Isipin nating mabuti, kung halimbawang gumagastos ang AFP at DNP ng P7 bilyon kada taon sa pagbili pa lang uniporme, ganoon kalaki ang perang nawawala sa industriya ng Pinoy.

Uniporme pa lang ang pinag-uusapan natin. Paano pa kaya ang ibang military hardware na may gumagawa naman dito sa atin? Bakit nga ba natin bibilhin ang produkto ng ibang bansa kung mayroon tayo dito na mas maganda at baka nga mas mura pa ang presyo kapag volume ang pinag-uusapan?

Ang kagandahan dito batas ni Angara, kaya nitong utusan ang mga ahensiya ng pamahalaan at mga pribadong sektor na tangkilikin ang mga produktong Pinoy.

Mas maganda sigurong maging pilot dito ay ang mga ahensiya ng gobyerno. Halimbawa na lang ay ang mga office supplies at office furnitures sa mga tanggapan ng pamahalaan. Karamihan sa mga nagiging supplier dito ay Filipino company nga pero nag-iimport din sa ibang bansa.

Maraming Pinoy carpenters at mga furniture makers ang mabibigyan natin ng trabaho kapag umiral ang tatak-Pinoy bill ni Angara.

Iyong mga magagaling sa furniture makers sa Cebu, sa Pampanga, sa Laguna at dito sa Metro Manila ay mapapakinabangan nang husto ng bansa sa batas na ito.

Maraming industriya ang mabubuhay sa ganitong batas ni Angara kaya importanteng mapairal na ito sa lalong madaling panahon.

Kung hindi man milyon, daan-daang libo ang trabahong malilikha ng Tatak Pinoy kay dapat suportahan nating lahat ito.

Proudly Philippine Made. Nawala ito sa ating kamalayan sa mahabang panahon kaya sa tulong ng Tatak Pinoy ni Senador Angara ay mabubuhay ulit ito sa lahat ng aspeto ng ating araw-araw na pamumuhay.

Go local, buy local.

[email protected]