Default Thumbnail

Talavera malapit na maging agro-industrial city

February 23, 2024 Steve A. Gosuico 133 views

TALAVERA, Nueva Ecija–Palapit ng palapit ang lugar na ito para maging agro-industrial city, ayon kay Mayor Nerito “JR” Santos Jr.

“Talagang ngang road to Agro-Industrial City na tayo. Unti-unti nang nagbubunga ang lahat ng ating proyekto para sa agrikultura at pang-long term pa,” sabi ng dating Association of Barangay Captains president.

Ginawa ni Mayor Santos ang mga pahayag sa huling inspeksyon ng 60,000-bag capacity na onion cold storage sa Brgy. Bantug noong Miyerkules.

“Final inspection po kahapon ng onion cold storage. Ito po ay ni-request namin ni Vice Mayor Nerivi Santos-Martinez noong 2021 at 2022 noong nakaupo pa si Usec Ariel Cayanan.

Siya ang nagbigay sa amin ni Vice Mayor Nerivi at ang napili naming mabigyan nito ang BAMC (Bantug Agricultural Multi-Purpose Cooperative,” pahayag ng alkalde sa Journal Group.

Dagdag pa ng alkalde, isa itong “dream come true” para sa kanyang ama na si dating mayor Nerito “Nery” L. Santos Sr.

Pinondohan ang pagtatayo ng pasilidad ng P125 milyon sa ilalim ng Philippine Rural Development Program ng Department of Agriculture.

Sinabi ni Mayor Santos na sasailalim muna ang pasilidad sa routine testing procedure at sa Marso, magiging operational na ito.

Dumalo rin sa final inspection sina dating Nueva Ecija board member Rommel Padilla, na inimbitahan ni BAMC general manager Nora Angeles, OIC-Provincial Agriculturist Jovita Agliam, municipal agriculturist Flordeliza Cuizon at mga opisyal ng Department of Agriculture.

AUTHOR PROFILE