Kulong

Suspek sa pagsabog sa NAIA parking sumuko

October 9, 2023 Jun I. Legaspi 297 views

SUMUKO na sa mga awtoridad ang suspek sa pagpapasabog ng molotov bomb sa open parking ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Setyembre 23.

Sa ulat, sumuko ang suspek na si alyas Bolayog sa Manila International Airport Authority Terminal 3 Police Section (MIAA T3-TPS).

Sa imbestigasyon, lumitaw na isang molotov cocktail ang sumabog sa parking lot na nakapinsala sa tatlong sasakyan na nakaparada sa lugar.

Isang impormante ang nagbigay ng impormasyon sa MIAA-TPS tungkol sa insidente at kumilala kay alyas Bolayog na responsable sa insidente.

Dahil sa intelligence at surveillance operation na ipinag-utos ni T3-TPS chief APCol. Froilan Sanchez, natunton ang suspek malapit sa exit ng Terminal 3 open parking area.

Sa pagtatanong kay Bolayog, inamin nito na siya ang naghagis ng molotov cocktail device na personal din niyang in-assemble gamit ang isang bote ng energy drink na naglalaman ng gasolina, nilagyan ng tela at saka sinindihan bago inihagis sa parking lot.

Sinabi ng dating taxi driver na si Bolayog na pangunahin niyang motibo ang pagtutol sa kampanya ng MIAA laban sa illegal transport operations sa airport complex.

Itinurnover na sa MIAA Police Intelligence and Investigation Division ang suspek para sa masusi pang imbestigasyon, bago ipinasa sa Pasay City Police para sa paghahain ng mga kasong attempted arson at alarm and scandal.

Ang suspek ay na-inquest na kay Assistant Chief Prosecutor Clarence Español at nakadetine na sa Pasay City Jail.

Iginiit naman ni MIAA Officer-in-Charge Bryan Co ang kahalagahan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon sa paliparan para matiyak ang kaligtasan at kaayusan.

AUTHOR PROFILE