Pulis Tumalon si Pat. August David Jr. sa Barkadahan Bridge Floodway sa Barangay San Juan, Taytay, Rizal, at sinagip ang 14-anyos na dalagita sa malalim na ilog.

PULIS NAG-ALA SUPERMAN

October 9, 2023 Edd Reyes 774 views

Tumalon sa footbridge, sinagip 14-anyos sa Ilog Pasig

UMANI ng paghanga at papuri sa mga netizens ang nag-viral na video ng isang bagitong pulis na nagpamalas ng katapangan at kabayanihan nang sagipin ang 14-anyos na babae na nalulunod sa Ilog Pasig na sakop ng Taytay, Rizal.

Suot pa ni Pat. August David Jr., 26, nakatalaga bilang trainee sa Valenzuela Police Station at residente ng GHQ Village sa Barangay Katuparan, Taguig City, ang kanyang uniporme nang buong tapang na tumalon mula sa Barkadahan Bridge Floodway sa Bgy. San Juan sa Taytay upang sagipin ang Grade 9 student na residente sa naturang lugar.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Valenzuela Police chief Salvador Destura Jr. na nangyari ang insidente nito lamang Oktubre 6 dakong alas-12:30 ng tanghali habang patungo si David sa Taytay mula sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City, sakay ng isang pampasaherong jeep upang kumain ng tanghalian.

Pagsapit ng pampasaherong jeep sa Barkadahan Bridge Floodway, nakita ni David ang ginawang paghakbang ng dalagita sa gilid ng tulay at kaagad na tumalon sa malalim na ilog.

Hindi nagdalawang-isip si David at kaagad na bumaba ng jeep, naghubad ng sapatos at inalis ang laman sa bulsa ng suot na pantalon, bago nagtungo na sa gilid ng tulay at tumalon hanggang matagumpay na nasagip ang dalagitang nalulunod.

Sa kuha ng video, narinig pa ang pagsigaw ng isang nakasaksi ng katagang “Tol, isa kang bayani!” Ito’y sinundan pa ng hiyawan at palakpakan ng maraming sumaksi sa ginawang kabayanihan ng pulis.

Ayon kay Destura, nasa mabuti ng kalagayan sa Taytay Emergency Hospital ang dalagita na dumaranas umano ng matinding depresyon na sanhi ng kanyang tangkang pagpapakamatay.

“I am extremely proud of the bravery and compassion shown by our police trainee August David Jr. His action shows that police work is not only about arresting,” pahayag ni Destura, matapos niyang ipaabot ang kanyang papuri at paghanga sa bagitong pulis.

AUTHOR PROFILE

Tags
PULIS

RELATED POSTS