Default Thumbnail

Suspek arestado sa pagbenta ng baril

July 30, 2021 Melnie Ragasa-limena 306 views

Naaresto ng mga awtoridad ang isa umanong miyembro ng Andoy Criminal Group matapos na bentahan ng baril ang isang undercover cop sa isang buy-bust operation sa Bgy. Pinyahan, Quezon City, ayon sa report kahapon.

Ayon kay PMaj. Merbern Bryan Lago, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group ng Quezon City District Field Unit (CIDG-QCDFU), ang naaresto ay nakilalang si Roldan Evangelista, 42, residente ng 25 E. Mapagbigay St., Bgy. Pinyahan.

Si Evangelista ay miyembro ng Andoy Criminal Group na umano’y sangkot sa bentahan ng marijuana at gun running activities sa iba’t ibang lugar sa lungsod.

Batay sa ulat, dakong alas-4:40 ng hapon nang maaresto ng mga tauhan ng CIDG-QCDFU at ng Kamuning Police Station (PS 10) ang suspek sa isang buy-bust operation na ikinasa sa Mataimtim Rd., Bgy. Pinyahan matapos na makatanggap ng tip hinggil sa kanyang ilegal na aktibidad.

Isang pulis ang nagpanggap na bibili ng kalibre .38 revolver na nagkakahalaga ng P5,000 at nang magpositibo ang transaksiyon ay agad nang inaresto ang suspek.

Nakumpiska sa suspek ang isang kalibre .38 revolver na walang serial number at loaded ng limang bala, sling bag na naglalaman ng mga screw drivers, wallet na may ilang IDs at mga dokumento, at ang buy-bust money.

Ang naarestong suspek ay nakapiit na at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o The Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.