Default Thumbnail

Rider na walang helmet sinita, arestado sa shabu

July 30, 2021 Edd Reyes 335 views

BISTADO ang pagdadala ng droga ng isang rider nang kumasa sa mga pulis na sumita sa kanya dahil sa hindi pagsusuot ng helmet Biyernes ng madaling araw sa Taguig City.

Nagsasagawa ng police checkpoint ang mga tauhan ng Taguig City Police Sub-Station-7 na pinangunahan ni P/Lt. Jeremy Paat sa A. Bonifacio St. Bgy. Upper Bicutan, dakong alas-1 ng madaling araw, bilang pagpapatupad sa panuntunang ipinaiiral ng Inter-Agency Task Force nang mamataan nila si Benjamin Padilla, 50, ng Bgy. Lower Bicutan na nagmamaneho ng motorsiklo ng walang suot na helmet.

Pinahinto ng mga pulis si Padilla at hinanapan ng lisensiya sa pagmamaneho, pati na ng official receipt at certificate of registration ng motorsiklo, subalit sa halip na tumalima, tumanggi ang rider at nagtangkang takasan ang mga alagad ng batas.

Dito na siya puwersahang pinababa ng mga pulis sa motorsiklo subalit nanlaban umano ang suspek kaya’t pinagtulungan na siyang dakpin nina Paat.

Nang kapkapan ng mga pulis ang suspek, nakuha sa kanyang bulsa ang dalawang may kalakihang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 17.3 gramo na may katumbas na halagang P117,640.

Kaagad na dinala ng mga tauhan ng Sub-Station 7 ang suspek sa punong tanggapan ng Taguig City Police upang isailalim sa imbestigasyon ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit bago iprisinta sa piskalya para sa inquest proceedings kaugnay sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

AUTHOR PROFILE