Default Thumbnail

Sundalo tinangay ng baha sa gitna ng rescue ops, dedo

January 12, 2023 Zaida I. Delos Reyes 249 views

PATAY ang isang sundalo na magsasagawa sana ng rescue operation sa mga biktima ng pagbaha ang nasawi matapos na tangayin ng malakas na agos na nagmumula sa umapaw na tulay sa Northern Samar nitong Miyerkules ng umaga.

Nakilala ang biktima na si Corporal Jerry Palacio, miyembro ng 43rd Infantry Battalion (43IB) na nakatalaga sa Happy Valley Patrol Base na matatagpuan sa Sitio KM7, Bgy. Happy Valley, San Isidro, Northern Samar.

Ayon kay Capt. Jefferson M. Mariano, chief ng Public Affairs Office (PAO) ng 8th Infantry Division (ID), ang insidente ay naganap sa KM6, Bgy. Happy Valley sa naturang lugar.

Kasama umano ang biktima sa inatasang magsagawa ng Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) sa mga biktima ng baha subalit nang patungo na ito sa kanyang misyon ay tinangay siya ng malakas na agos habang papatawid sa tulay.

Natangay ang biktima sa malalim na bahagi ng ilog at hindi na nakita pa kung kaya’t agad na nagsagawa ng rescue operation ang mga tauhan ng 43IB, Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG).

Dakong 8:30 ng umaga ng makita ng search rescue and retrieval operation team ang katawan ng biktima sa Mauo River na matatagpuan sa Sitio Marasbaras, Happy Valley, San Isidro, Northern Samar.

Agad namang nagpahatid ng pakikiramay si Major Gen. Camilo Z. Ligayo, commander ng 8th Infantry Division (ID) sa naulila ng biktima.

“Our thoughts and prayers are with Corporal Palacio’s family and loved ones during this difficult time, he died trying to save the people of Northern Samar. The Philippine Army will provide appropriate support and assistance to the bereaved family,” pahayag ng opisyal.

“Despite the unfortunate incident, the Army will continue to deliver its mandate of performing HADR operations in affected areas to save lives,” pagtitiyak ni Ligayo.

Ang bangkay ng biktima ay dinala sa Municipal Health Office ng San Isidro Northern Samar para sa postmortem examination bago dalhin sa kanyang pamilya sa Bgy. Chitongco Mondragon, Northern Samar.