Sundalo sugatan sa bakbakan sa Quezon
SUGATAN ang isang sundalo sa pakikipagbakbakan sa rebeldeng grupo ng New People’s Army (NPA) nitong Biyernes ng hapon sa bulubunduking lugar sa San Andres, Quezon.
Gayunman, pansamantala munang hindi pinangalanan ang nasugatang sundalo para sa kapakanan ng kanyang pamilya.
Batay sa ulat na nakarating sa Camp Aguinaldo, ang insidente ay naganap dakong 3:00 ng hapon (Enero 27) sa Sitio Mabato, Barangay Pansoy, San Andres, Quezon.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang militar kaugnay ng presensiya ng mga rebelde sa lugar.
Agad namang tinungo ng mga tauhan ng 85th Infantry Battalion (IB) ang lugar upang protektahan ang mga residente at dito nga ay naka-engkwentro nila ang mga rebelde na pinangungunahan ni alyas “Unyo” at mga kasamahan nito.
Tumagal ng ilang minuto ang bakbakan na nagresulta sa pagkakasugat ng sundalo habang tumakas naman patungo sa iba’t-ibang direksyon ang mga rebelde.
Patuloy naman ang isinasagawang hot pursuit operation ng militar laban sa mga nagsitakas na rebelde.