Bong

Socmed ni Sen. Bong, umuusok sa grocery pakulo

October 21, 2022 Ian F. Fariñas 283 views

UMUUSOK ang social media accounts ni Sen. Ramon Bong Revilla Jr. sa tanong kung kailan mauulit ang napakasayang dulot na inihandog niyang “Relax Ka Lang, Grocery Mo Sagot Ko!” na may mga kalahok na nag-uwi ng malalaking papremyo.

Nagsimula ang naturang pakulo nang magdiwang siya ng ika-56th na kaarawan noong Septyembre 25 bilang bahagi ng kanyang “Alyas Pogi Birthday Giveaway.”

Dahil sa dami ng nagpadala ng messages sa Facebook account ni Sen. Bong, namili ng mga kalahok gamit ang randomizer mula sa Sta. Teresita, Batangas, Atimonan, Quezon, Calauan, Laguna, Novaliches, Quezon City at Bacoor City. Lahat sila ay nag-uwi ng sangkatutak na grocery items.

Isinagawa sa Robinsons Main Square sa Brgy. Bayanan, Bacoor Blvd., Bacoor City ang “Relax Ka Lang, Grocery Mo Sagot Ko!” kung saan si Sen. Bong mismo ang tumayong host kasama ang maybahay niyang si Cavite 2nd District Rep. Lani Mercado-Revilla at ilang mga anak.

Binigyan ng pagkakataong humakot ang mga kalahok sa loob ng tatlong minuto pero sobrang mapagbigay si Sen. Bong kaya dinagdagan pa ng minuto ang mga kalahok at may mga nakahakot ng items na nagkakahalaga ng P30,000-P100,000.

Bukod sa sangkatutak na groceries, binigyan pa ang lahat ng tig-P5,000 para sa kanilang pamasahe.

Dahil sa tagumpay nito, inuulan na ng kahilingan ang social media account ni Sen. Bong kung kailan ito masusundan.

AUTHOR PROFILE