Default Thumbnail

Sikyu sumemplang motorsiklo, nasagasaan ng van, patay!

September 28, 2021 Edd Reyes 341 views

PATAY ang isang security guard na nagmamaneho ng sumemplang na motorsiklo matapos masagasaan at magulungan ng paparating na van Lunes ng hapon sa Caloocan City.

Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Caloocan City Medical Center ang biktimang si Vicente Tatel, 51, residente ng Brgy. Mamatid, Cabuyap, Laguna habang sumuko naman sa pulisya ang driver ng van na si Roland Yasis, 39, naninirahan sa 29 Mabini, Poblacion, Batangas.

Batay sa ulat na isinumite ni Traffic Investigation Unit Staff Duty Office P/Maj. Brian Ramirez kay Caloocan police chief P/Col. Samuel Mina, tumatahak sa kahabaan ng Rizal Avenue Ext. galing ng Maynila ang biktima patungong Monumento area sakay ng kanyang motorsiklo dakong alas-2:50 ng hapon nang biglang huminto sa madulas na bahagi ng lansangan sa 1st Avenue, Brgy. 120 na naging dahilan upang sumemplang at tumilapon sa gitna ng kalsada.

Nagkataon namang paparating ang rumaragasang Jinbei van (UYI-440) na minamaneho ni Yasis at huli na para makapag-preno pa kaya’t nasagasaan at nagulungan niya ang katawan ng biktima.

Nakapagresponde naman kaagad ang ambulansiya ng Caloocan Disaster Risk Reduction Management Office (DRRMO) at isinugod sa pagamutan ang biktima subalit dakong alas-4:32 ay idineklarang patay na sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa katawan.

Kasong reckless imprudence resulting in homicide ang isinampa ng pulisya laban kay Yasis sa piskalya ng Caloocan City.

AUTHOR PROFILE