Vape

Senate OK ng vape bill binira

December 15, 2021 Ryan Ponce Pacpaco 428 views

BINATIKOS ng iba’t ibang medical association at health groups ang Senado matapos nitong aprubahan sa kalawang pagbasa ang vape bill na binansagang “anti-health, anti-youth, at anti-children”.

Sinabi ni Philippine Medical Association (PMA) President Dr. Benito Atienza na hindi naman certified as urgent ng Malacañang pero mabilis umanong inaprubahan ng Senado ang Senate Bill (SB) 2239 o ang panukalang Vaporized Nicotine Products Regulation Act na pangunahing isinulong nina Senate President Tito Sotto, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Senate Pro Tempore Ralph Recto.

Kung magpapatuloy ang sesyon ngayong Huwebes, posibleng maisalang ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala sa kabila ng mga kuwestiyon sa mga probisyon nito gaya ng edad ng mga maaaring bumili ng vape na ibinaba sa 18-anyos o Senior High School, sa halip na 21-taong gulang.

Sa ilalim ng Sin Tax Law o Republic Act (RA) No. 11467, itinakda ang minimum age para makabili ng vape sa 21-taong gulang.

Hindi rin isinama sa panukala ang mas malawak na limitasyon sa mga papayagang flavor na isa sa ginagamit ng mga manufacturer upang mahikayat ang mga kabataan na gumamit ng vape.

Kinukuwestyon din ang probisyon na naglilipat sa Department of Trade and Industry (DTI) ng kapangyarihan na i-regulate ang vape products sa halip na isailalim ito sa Food and Drug Administration (FDA).

Isinusulong na FDA ang mag-regulate ng vape dahil mayroon itong kakayanan na pag-aralan kung ito ay ligtas at kung ano ang posibleng maging epekto nito sa kalusugan.

Ipinanukala ni Sen. Pia Cayetano na panatilihin ang edad na 21 taong gulang na minimum access sa vape, pagpapanatili ng regulasyon sa FDA at limitahan sa plain tobacco at plain menthol ang papayagang flavor na hindi tinanggap ng karamihan ng kanyang mga kasamang senador.

Katulad ni Cayetano, tutol din ang Philippine Pediatric Society (PPS), Philippine College of Physicians (PCP) at public interest law group na Imagine Law sa pag-apruba ng panukala na magdaragdag lamang umano sa problemang pangkalusugan na kinakaharap ng bansa.

AUTHOR PROFILE