Tulfo

Sen. Tulfo kay DENR Sec Yulo: Anyare?

April 5, 2024 PS Jun M. Sarmiento 156 views

DUDA na si Sen. Raffy Tulfo tungkol sa kapabilidad ni Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga bilang pinuno ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ito’y matapos lumabas sa isag write up na may kinamkam na 40,000 hectares na lupain sa Coron at Busuanga ang pamilya ni Yulo-Loyzaga na tinawag na Yulo King Ranch (YKR). Pitong ektarya ng lupaing ito, diumano, ginagamit bilang meat processing plant, ayon sa write up.

Noong taong 1975, nagpalabas ng Presidential Proclamation No. 1387 si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at idinideklara ang 40,000 hektaryang lupain na iyon bilang pasture reserve.

Ibig sabihin ng proklamasyon bawal ibenta, maipamahagi, magamit at mapakinabangan ang lupa na ito maliban sa pagiging pasture reserve.

Public domain ang naturang lupa na ibig sabihin pagmamay-ari ng sambayanan at hindi ng pribadong indibidwal.

Binabansagang “the largest agrarian anomaly” ang private ownership sa naturang lupa. Taun-taon, mula 2015 hanggang ngayon, daan-daang mga magsasaka ang nagwewelga sa Palawan at kanilang hinihiling na maibahagi sa kanila ang katiting na 900 hectares na nakapaloob sa YKR upang kanilang magamit at mapakinabangan.

Ayon sa Section 8 ng Expanded National Integrated Protected Areas System Act of 2018 o E-NIPAS Act of 2018, mandato ng DENR Secretary na magpalabas ng mga patakaran para pangalagaan ang mga protected areas nang naaayon sa polisiya ng batas.

Pero kamakailan lang, nagpalabas si Yulo ng pahayag kung saan sinabi niya na hindi nila planong galawin ang mga ilegal na negosyong istraktura gaya ng mga resort na naipatayo sa mga protected area tulad ng sa Mt. Apo, bagkus hahanapan daw niya ito ng “common ground” alang-alang sa mga nagtatrabaho doon.

Ngunit ang tanong ng mga environmentalist, bakit pa tayo magdedeklara ng mga protected area na kalaunan puwede palang patayuan ng mga resort at ang ibibigay na palusot ng DENR: alang-alang sa trabaho?

Pagkatapos ng Senate hearing ng Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change noong April 3, sunod-sunod ang sumadya sa tanggapan ni Sen. Tulfo para isumbong ang ilan pang protected areas na pinatayuan ng illegal structures, gaya ng sa Upper Marikina River Basin Protected Landscape at Ticao-Burias Pass Protected Seascape. Kasama na rin ang Mt. Apo at Chocolate Hills Natural Monument.

Dahil dito, naghain si Sen. Idol ng Senate Resolution No. 985 para imbestigahan ang mga sumbong tungkol sa paglalapastangan sa mga protected area na ito.

Kasama na sa resolusyon ang pagpapaimbestiga tungkol sa isyu sa 40,000 hectares na YKR. Kabilang sa mga iimbitihan bilang resource persons ang mga magsasaka sa Palawan.