Hontiveros

Sen. Risa ready sagutin pagpapaaresto kay PACQ

April 17, 2024 PS Jun M. Sarmiento 84 views

HANDA ako para sagutin ang anumang utos ng Korte Suprema. My counsel, former Senior Associate Justice Antonio Carpio, is with me, ready to study, deliberate, and respond as soon as possible.”

Ito ang mariing ipinahayag ni Sen. Risa Hontiveros matapos magbigay ng utos ang Korte Suprema na sagutin ng Senado ang idinulog ng founder at lider ng Kingdom of Jesus Christ, si Pastor Apollo C. Quiboloy, sa kataas-taasang hukuman na kumukuwestiyon sa arrest order na inilabas ng Senado laban sa kanya.

Matatandaan na nauna nang sinabi ng abogado ni Quiboloy na si Atty. Elvis Balayan na iaakyat nila ang usaping ito sa Korte Suprema, kaugnay ng limitasyon ng Senado sa kapangyarihan nito sa pag-isyu ng warrant of arrest kay Quiboloy, na kasalukuyang nahaharap sa kasong sekswal na pang-aabuso at human trafficking.

Tiniyak naman ni Hontiveros na bagama’t hindi pa nila natatanggap ang kautusan na ito ng Sepreme Court (SC) ay handang-handa umano ang kanyang opisina na sagutin ng punto per punto ang nasabing kautusan ng SC.

“While we have yet to receive and read the Order, we certainly will comply with the directive of the SC, cognizant of the principle of separation of powers and with only the highest respect for our institutions,” ani Hontiveros.

Sa nasabing kautusan ng SC, inatasan nito ang Senado sa pamamagitan ng Committee on women, children, family relations and gender equality na sagutin ang inihain na akusasyon ng kampo ni Quiboloy sa loob ng 10 araw pagkatanggap nito sa order.

Ayon sa kampo ni Quiboloy, ang komite ni Hontiveros ay kumikilos na diumano katulad ng isang korte at mistulang hinatulan na ng guilty si Quiboloy sa mga naturang paratang laban sa kanya.

Para kay Hontiveros, hindi siya matitinag lalo pa aniya at ito’y karapatan ng Senado sa ilalim ng batas upang magimbestiga at iginiit din niya na bagama’t malaki ang kanyang respeto sa Korte Suprema ay batid na nirerespeto ng korte ang karapatan ng Kongreso bilang co-equal branch ng hudikatura.

“Umaasa ako na ang mga prinsipyong ito ay gagabay sa ating lahat, kasama na ang puganteng si Apollo Quiboloy,” ani Hontiveros.

Samantala, sinabi naman ni dating Senador Franklin M. Drilon na maliwanag aniyang dapat ng sumuko si Quiboloy at sayawan ang musika ng katotohanan matapos magbigay ng desisyon ang SC na hindi kilalanin ang hinihingi nitong temporary restraining order (TRO).

Iginiit ni Drilon na ang pagtanggi na bigyan ng TRO si Quiboloy ay isang indikasyon na nirerespeto ng SC ang Senado bilang kapantay nitong sangay ng gobyerno.

“The Supreme Court, in refusing to grant the TRO prayed for by Quiboloy, upheld the principle of separation of powers between the equal branches of the government,” ani Drilon.

“The Supreme Court recognized the constitutional power of the Senate, as it has consistently ruled in the past, to conduct inquiries in aid of legislation,” dagdag pa ng dating senador.

Igniit din ni Drilon na ang pag-isyu ng ganitong order mula sa anumang komite na nagiimbita sa sinuman ay kasama sa kapangyarihan ng Kongreso, in aid of legislation, at obligado aniya sinomang tao tulad ni Quiboloy na sundin ang direktibang ito at humarap sa Senado upang sumagot ng ayon sa mga akusasyon na ibinabato laban sa kanya.

“Quiboloy should accord due respect to the ruling of the Supreme Court and the processes of the Senate, as upheld by the SC,” dagdag pa ni Drilon.