Hontiveros

Sen. Risa: POGO palayasin na

June 17, 2024 PS Jun M. Sarmiento 77 views

ALARMADO si Senadora Risa Hontiveros ngayon Lunes, Hunyo 17, matapos matuklasan ang umano’y pagkakasangkot ng isang convicted na dating opisyales ng gobyerno sa nakaraang administrasyon sa isinagawang raid sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.

Base sa nakalap na dokumento, ang dating opisyal ng gobyerno ay siya ring nakalagay na umaktong “authorized representative” ng kumpanyang Hong Sheng POGO sa Bamban gayundin sa Lucky South POGO sa Porac, Pampanga.

“Pinapakita din nito na may koneksyon talaga ang Bamban at Porac na POGO. Tila nagsama-sama silang mga scammer,” ani Hontiveros na nagsabing nakababahala ang bagay na ito.

“We will invite him to the next hearing to clarify his involvement. Basta may POGO, may koneksyon sa scam. Sabi ko nga, lahat ng POGO, masama. There is no differentiation between bad POGO or “good” POGO. It seems that POGOs are deliberately tapping former and present officials they can easily corrupt,” pagtitiyak ng senadora.

Si Hontiveros na siyang nangunguna sa pag iimbestiga sa POGO at siya ring chairperson ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, ay unang tumutok sa kontrobersiyal na partisipasyon ni Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac sa POGO scam operation. Iginiit ni Hontiveros na kasama na sa operasyon at pagpapatakbo ng POGO ang stratehiyang impluwensiyahan ang mga nakaupo sa gobyerno at gamitin ang kanilang posisyon para mapalawig pa ang kanilang kriminalidad.

“Alam ng POGO na malaking kahinaan ng Pilipinas ang korapsyon kaya sinasamantala nila ito,” ani Hontiveros.

Nanawagan siya sa ibang opisyales ng gobyerno na huwag ipagwalang bahala ang POGO at gawin ang kanilang nararapat na gawin para maipahinto ito na maituturin aniyang banta sa ating bansa.

“I call on my fellow public servants to join the growing call to ban POGOs now. We must show these POGOs that the Philippines does not have a price. Puksain natin ang korapsyon at palayasin na ang POGO,” paliwanag ni Hontiveros.