Revilla

Sen. Bong nanguna sa pagdiriwang sa Cavite

June 15, 2024 Ian F. Fariñas 86 views

KAHIT nakatungkod o saklay at nagpapagaling ng inoperang Achilles tendon, talagang sumugod ang Caviteñong senador na si Ramon “Bong” Revilla Jr. para pangunahan ang pagdiriwang ng ika-126 taon ng Kalayaan ng Pilipinas noong Miyerkules, Hunyo 12, sa Dambana ni Emilio Aguinaldo, sa Kawit, Cavite.

Si Sen. Bong ang naghandog ng bulaklak sa libingan ni Pangulong Emilio Aguinaldo at nagtaas ng bandila sa makasaysayang balkonahe ng Pangulo ng Unang Republika.

Sa kanyang speech, binigyang-diin ng aktor-politiko na ‘di dapat kalimutan ang kabayanihan ng ating mga ninuno na nagpalaya sa bansa sa mga mananakop.

“Daang taon man ang lumipas, hindi malilimutan ang dakilang sakripisyo ng ating mga ninuno. At magpakailanman, ito ay tatanawin nating utang na loob sa kanilang nag-alis ng tanikalang bumihag sa ating inang bayan, sa kanilang nag-alay ng dugo at buhay upang makamtan ang mga tinatamasa nating kasaganaan, kapayapaan at kalayaan,” aniya.

Tinampok din ni Sen. Bong ang katatagan ng mga mga Pilipino sa pagharap sa mga hamon para panatiliin ang kalayaan.

“Kasaysayan ang testigo sa mga landas na ating tinahak, at ito na rin mismo ang saksi sa katotohanang hindi bago sa atin ang mga pagsubok. Ngunit anumang hagupit ng tadhana, hindi nagpatinag ang lahing Pilipino na pinanday na ng panahon. Isang bayang hindi na muling magpapagapi. Isang bayang paulit-ulit na itataas ang bandilang simbolo ng kapayapayan, kasarinlan at katarungan. Ito mismo ang taunan nating ipinagdiriwang — ang diwang walang maliw ang kabayanihan at kadakilaan,” pahyag pa ng senador.

Binigyang-diin ni Sen. Bong ang kahalagahan ng pagpapaalala sa mga kababayan tungkol sa nakaraang pakikipaglaban na dapat magpatuloy para ingatan ang natamong kalayaan.

“Ito ang kahalagahan ng araw na ito, na ipaalala sa ating mga kababayan, lalo na sa ating mga kabataan, ang dugong dumaloy upang makamit ang mga mithiin at pangarap ng bayang hindi na muli magpapabihag, lalo na at sariwa pa sa ating gunita ang tila muling panunubok sa ating soberanya. Higit na kailangang magningas ang kabayanihang handang salagin ang anumang sibat na banta sa ating kasarinlan,” diin pa niya.

“Sa ating pinagkaisang tinig at pagpupunyagi, hindi na muling makakapaghari-harian ang sinumang dayuhang nagnanasang lapastanganin at pagsamantalahan ang ating bayan. Wala nang pwersang maaaring magpatahimik sa bayang natuklasan na ang lakas kanyang tinig,” dagdag niya.

Noong 1998, sa ika-100 ng Kalayaan ng Pilipinas, si Sen. Bong, na Cavite governor pa noon, ang gumanap na Pangulong Emilio Aguinaldo sa nasabing Centennial celebration.

Mahalaga sa Kawit, Cavite ang pagdiriwang ng Kalayaan ng Pilipinas dahil doon pinroklama ni Pangulong Emilio Aguinaldo ang kalayaan mula sa mga Kastila noong Hunyo 12, 1898.

Bukod sa pagdiriwang ng ika-126 Kalayaan sa Kawit, Cavite, may kasabay ring pagdiriwang sa Rizal Park sa Manila, Barasoain Church sa Bulacan, Pinaglabanan Memorial Shrine sa San Juan City, Mausoleo delos Veteranos dela Revolucion sa Maynila, Andres Bonifacio National Monument sa Caloocan City, at sa Museo ng Kasaysayang Panlipunan ng Pilipinas sa Pampanga.

AUTHOR PROFILE