Bong

Sen. Bong bagong ‘kampyon ng mga guro’

March 16, 2024 Ian F. Fariñas 82 views

BUKOD sa pagiging artista’t politiko, may bago nang titulo ngayon si Senator Bong Revilla at ito ay ang pagiging “kampyon ng mga guro.”

Ito ay matapos aprubahan ng Senado sa Bicameral Conference Committee Report ang Teaching Allowance na panukala niya.

Walang paglagyan ang ligaya ng mga guro nang mainit nilang pinasalamatan si Sen. Revilla sa pagsulong nito ng panukalang doblehin ang tinatanggap nilang teaching allowance.

Masayang ibinalita ng mister ni Rep. Lani Mercado na kasadung-kasado na ang kanyang “Kabalikat sa Pagtuturo Act” matapos ma-approve ng Bicam Conference Committee ang mga probisyon ng Senado at House of Representatives, kasama ang mga miyembro ng komite.

Malapit na ngang matamasa ng mga guro ang mga benepisyo sa ilalim nito oras na pirmahan ito ni Pangulong Bongbong Marcos.

Ani Sen. Bong, “Nag-‘evolve’ na ang pagtuturo kaya dumagdag na ang demands sa mga guro para mas epektibong magampanan ang kanilang mga tungkulin. Ayaw nating maging abonado pa sila.

Kailangang yung gastusin para sa mga gamit sa pagtuturo ay ‘di na nila huhugutin sa kanilang sariling bulsa.”

Sa Session Hall ng Senado, naglapitan ang mga kinatawan ng iba’t ibang organisasyon ng mga guro sa bansa — Department of Education, Alliance of Concerned Teachers (ACT), Teachers Dignity Coalition at Philippine Public School Teachers Association.

Hindi nila napigilang maging emosyonal dahil mula pa noong ika-16 na Kongreso nila ito hinahangad.

Sa chairmanship ni Sen. Revilla ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, naisakatuparan ang pangarap ng mga guro.

Kaya naman lubos ang pasasalamat nila sa senador.

Mahalaga rin ang panukalang ito na kasama sa Top Legislative Priorities ni Sen. Bong dahil ipinangako niya ito noon pa man, kaya labis ang galak niya nang siya na ang italagang chairman ng naturang komite ng Senado na tumalakay at nag-defend dito sa plenaryo.

Sa pagbibigay-pugay at pagpapahalaga niya sa mga guro, sinabi niya na nakaukit na sa mga pahina ng kasaysayan ang kanilang kadakilaan.

Sa panukala na ang aktor/politiko ang principal author at sponsor, ang dating P5,000 na Teaching Allowance ay itataas sa P10,000.

Napalaking bagay nito para sa mga gurong tinagurian ng senador na mga “bayani” dahil sa kanilang kadakilaan at bilang “haligi ng lipunan at tanglaw ng ating kinabukasan.”

Sabi pa ni Sen. Bong, “Hindi ito ang wakas, bagkus simula pa lang ng marami pa nating hakbang sa walang mintis na pagsulong ng mga katulad na reporma.”

AUTHOR PROFILE