Rayver1

Sagot ni Rayver sa mga batikos: Hinding-hindi ko kayang saktan si Julie

March 17, 2024 Vinia Vivar 116 views

Kaagad na humingi ng dispensa si Rayver Cruz matapos makatanggap ng matitinding batikos dahil sa ikinilos niya sa isinagawang live stream nila ni Julie Anne San Jose last Saturday.

Ipinost ng isang netizen sa X (dating Twitter) ang ilang bahagi ng live stream ng JulieVer at ang nakasaad sa caption ay: “May pa drug test ba kayo @gmanetwork at @AllOutSundays7 bago mag prod or pumasok ang artists niyo? Mukhang nakalusot e. Ang lala ni rayver cruz, lasing ba siya or naka marijuana? Tamang laughtrip at kita na sabog e.”

Mapapanood sa video na super-kulit ni Rayver, super-hyper at tawa nang tawa.

In one instance ay parang binatukan (nang very slight lang naman) niya pa ang girlfriend.

Habang seryosong nagsasalita si Julie Anne ay panay din ang pangungulit ni Rayver na pati nga ang aktres ay nadi-distract.

Sa isang bahagi naman ng video ay mapapanood ang paraan ng pagsagot ni Rayver na parang hindi seryoso at tila naglalaro.

“’Yung paghahanda namin, nag-ano kami, parang sa rehearsal room, naghawak-hawak kami ng mga kamay, and then pumikit kami, and then niramdam lang namin ‘yung bawat isa, and then ‘yeah let’s do this brad,’” ani Rayver sabay-tawa.

Sa comment section ay binatikos ng netizens si Rayver pero marami rin naman ang nagtanggol sa kanya.

Hindi rin nakatiis si Julie Anne at nagkomento sa naturang post para ipagtanggol ang boyfriend.

“Minsan lang po ako sumagot sa mga ganto but sobra ka na po. Below the belt and harsh na po itong accusations, please stop,” ang pakiusap ni Julie Anne.

Nang gabi ring iyon ay nag-post ng public apology si Rayver sa X kasabay ang paglilinaw na hindi niya binabastos ang girlfriend.

“Sa mga na offend sa kilos ko kanina sa live stream namin, sorry. But I was just being myself. Playful and happy talaga ako. Lalo na when I’m with my love. She knows that, she knows me.

“I don’t usually speak up pero ibang usapan na ang accusations,” pahayag ni Rayver.

Paliwanag niya, “Una, hinding hindi ko kayang saktan si Julie. My mom raised me right. Hinawakan ko yung buhok nya na lagi kong ginagawa sa mga iba pa namin videos pag magkasama kami pero kung iba po ang dating sa ibang tao wala na po ako magagawa don.”

Aniya pa, mahal na mahal niya si Julie Anne at sobra ang respeto niya rito.

“I respect Julie sobra sobra and sobra ko syang mahal pati ang family nya.”

Patuloy pa niya, “Pangalawa, may respeto ako sa trabaho ko at sa mga katrabaho ko. Hinding hindi ako gagawa ng makakasira dun. At sana, matuto na rin tayo rumespeto sa iba at maging malawak ang pag-iisip. Salamat po and goodnight!”

Naintindihan naman si Rayver ng kanyang fans at ang iba naman ay pinagsabihan siya na next time ay maging maingat na sa mga kilos niya.

AUTHOR PROFILE