Default Thumbnail

Sa pagbubukas ng kompetisyon sa RCEP

February 26, 2023 People's Tonight 274 views

SEN. GO: MAGSASAKA BUHUSAN NG SUPORTA, PRESYO NG BILIHIN IBAGSAK

Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go na buhusan ng suporta at anumang uri ng tulong ang ating mga magsasaka at lokal na industriya para maging kompetitibo sa gitna ng niratipikahang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) agreement kamakailan.

Kasabay nito, sinabi ni Go na dapat ay ibagsak din ang presyo ng mga produkto at bilihin para makinabang ang mga ordinaryong Pilipino, lalo ang mahihirap.

Sa ambush interview matapos ang kanyang personal na pag-inspeksyon sa Super Health Center sa Rizal, Nueva Ecija, ipinaliwanag ni Go na dapat ay mas marami pang interbensyon at suporta ang ibigay ng gobyerno sa mga magsasaka para maging competitive sila, lalo na ang Nueva Ecija na kilala bilang “rice granary” ng bansa.

“Gawin nating mas competitive po ang local farmers natin. Ibig sabihin, dapat po ang gobyerno ay papasok dito. Mas maraming intervention, mas maraming suporta para sa kanila,” ani Go.

Sa kanyang affirmative vote sa pagpapatibay ng kasunduan, naniniwala si Go na sa pagbukas ng kompetisyon bilang resulta ng RCEP, dapat bumaba ang presyo ng mga bilihin at dapat makinabang dito ang mga ordinaryong Pilipino.

“Bumoto po ako sa RCEP dahil ako po ay naniniwala na sa mas malawak na open competition, mas bababa po ang presyo (ng mga bilihin),” aniya.
“Ibig sabihin, kapag bumaba po ang presyo ng iba’t ibang produkto, ang mga ordinaryong Pilipino po ang makikinabang dito lalo na mga Pilipinong mahihirap na isang kahig isang tuka. ‘Yung gumagastos araw-araw, napakahalaga po sa kanila bawat piso, bawat sentimo na pagtaas ng presyo,” paliwanag niya.

Tiwala si Go sa Executive Department na tutuparin nito ang pangakong gagarantiyahan ang mga proteskyon para sa mga lokal na magsasaka at industriya sa gitna ng bukas na kompetisyon.
“Mas bababa ang presyo ng mga bilihin. ‘Yan po ang aking paniniwala sa eksplanasyon ng ating mga finance manager during the time na nag-deliberate po kami sa RCEP sa Senado… benepisyo sa bansa na ipinangako po ng ating Executive Department,” dagdag ni Go.

Ang RCEP ay opisyal na niratipikahan ng Senado noong Pebrero 21 sa botong 20-1-1. Ang Pilipinas ang huling bansang lumagda sa kasunduan, bukod sa Myanmar.

Mula noong Enero 1, 2021, ang kasunduan sa malayang kalakalan ay may bisa para sa mga kalahok na bansa.

Ang RCEP ay isang komprehensibong kasunduan sa kalakalan at pamumuhunan na pinasimulan ng 10 miyembrong estado ng Association of Southeast Asian Nations at ng kanilang mga kasosyo sa free trade agreement, kinabibilangan ng China, Japan, South Korea, Australia, at New Zealand.

Nilalayon nitong bawasan ang mga hadlang sa kalakalan at isulong ang integrasyong pang-ekonomiya sa mga bansang lumagda. Posible itong humantong sa pagtaas ng daloy ng kalakalan at pamumuhunan, gayundin ng mas maraming oportunidad sa trabaho at paglago ng ekonomiya.

Sinabi ni Go na lubos niyang nauunawaan ang concern at pangamba ng agricultural sector dahil sa loob ng maraming taon ay napabayaan ang agrikultura.
Napakahalaga aniya ng papel ng mga magsasaka sa pagtiyak ng seguridad sa pagkain kaya patuloy niyang itinutulak ang pagpapalakas sa sistema ng pagsuporta at imprastraktura ng agrikultura.
Dapat din, ani Go, na mawakasan ang agricultural smuggling dahil sa masamang epekto nito sa kabuhayan ng mga magsasaka sa buong bansa

AUTHOR PROFILE