Default Thumbnail

Iskul parusahan sa ‘no permit, no exam’ – Bong Go

February 26, 2023 People's Tonight 356 views

DAPAT patawan ng parusa ang mga institusyong pang-edukasyon na nagpapatupad ng “no permit, no exam” sa mga mag-aaral dahil lamang sa hindi nabayarang matrikula o iba pang bayarin sa paaralan.

Ayon kay Senator Christopher “Bong” Go, co-sponsor ng Senate Bill No. 1359, o ang No Permit, No Exam Prohibition Act, ang “no permit, no exam policy” ay nagdaragdag ng pasanin sa mga magulang at nagbibigay ng pressure sa mga mag-aaral na dapat ay nakatuon sa pag-aaral.

Ang panukala ay sumasaklaw sa lahat ng pampubliko at pribadong institusyong pang-edukasyon, kabilang ang mga paaralang elementarya at sekondarya, post-secondary technical-vocational institutes, at higher educational institutions. Sinasaklaw din nito ang lahat ng indibidwal na naka-enroll sa K to 12 basic educational program, certificate, diploma, o degree programs ng higher educational institutions, o short-term courses ng mga Technical-vocational training institutes.

“Kailangan po natin tanggalin ang ganitong klaseng burden sa students at kanilang magulang. The primary objective of schools is to provide learning opportunities for the development of the students’ intellectual, moral, physical and cultural aspects and not the other way around,” sabi ni Go.

“By imposing this unreasonable policy, schools are adding putting on unnecessary pressure to students when they should be focusing on studying,” dagdag niya.

Sinabi ng mambabatas na ang ekonomiya ng Pilipinas ay mahina dahil sa mga natural na sakuna at pandemya ng COVID-19 na lalong nagpapahirap sa mga mag-aaral at kanilang magulang na magbayad ng matrikula at iba pang bayarin sa paaralan.

Sa ilalim ng panukalang batas, walang institusyong pang-edukasyon, pampubliko o pribado, ang dapat magpataw ng anumang patakaran na pumipigil sa mga mag-aaral na may outstanding financial o property obligations, na kumuha ng eksaminasyon o anumang uri ng educational assessment

Gayunpaman, ang mga mag-aaral o ang kanilang magulang o legal guardian ay dapat gumawa ng promissory note na nagsasaad kung kailan maaayos ang kanilang obligasyon.

Gayunpaman, ang pagpilit sa mag-aaral o sa kanilang magulang na magbayad ng kahit bahagi ng hindi pa nababayarang obligasyon sa pananalapi ay ipinagbabawal.

Ipagbabawal din ang pagpapataw ng multa, o interes sa mga natitirang obligasyon sa pananalapi na lampas sa pinakamataas na rate interes na ibinigay sa ilalim ng panukala.

Ang mga institusyong pang-edukasyon na mapatutunayang nagkasala sa ilalim ng batas ay papatawan ng multang hindi bababa sa P20,000 ngunit hindi hihigit sa P50,000 sa bawat kaso.

“Bilang tagapangulo ng Senate committee on health, ang aking pangunahing interes ay ang pisikal at mental na kalusugan ng mga mag-aaral natin. Dapat hindi malipat sa kanila ang burden. Lagi po natin unahin ang kapakanan ng ating mga estudyante bago ang lahat,” ani Go.

AUTHOR PROFILE