Kulong

Rider ginulpi bago ninakawan sa QC

December 11, 2023 Melnie Ragasa-limena 133 views

BINUGBOG muna bago ninakawan ng tatlong pinaghihinalaang tirador ang delivery rider na biniktima nila noong Linggo sa Brgy. Del Monte, Quezon City.

Naghihimas na ng rehas na bakal sa Quezon City Police District Station 2 ang isa sa tatlong suspek na si Ariel Ducanes Magbanua, 32, ng Sitio Verdan, Brgy. Pasong Tamo, Quezon City.

Hinananap pa ang kasabwat niya na si Roldan Adonay, alyas Dudan, ng 5-C West Riverside San Francisco Del Monte, Quezon City at isa pang John Doe, ayon sa mga pulis.

Batay sa imbestigasyon ni PMSg. Rionel Rañeses ng QCPD Station 1, nangyari ang insidente dakong alas-10:20 ng gabi sa harap ng Phoenix gas station sa Del Monte Avenue cor. West Riverside St., Brgy. Del Monte.

Sakay ng motor ang biktimang si Robin Fulgencio, 22, at nakahinto sa nabanggit na lugar nang lapitan ng tatlong suspek na naka-motorsiklo din.

Doon na binugbog ng mga suspek ang biktima at pilit na kinukuha ang sling bag nito.

Sa kabila ng mga bugbog, pinilit ng biktima na tumakas pero sinundan pa rin ng mga suspek kaya nanenok ang mga gamit ng biktima.

Rumesponde ang mga miyembro ng QCPD mobile patrol at naaresto si Magbanua habang pero naka-eskerda ang dalawang kasama.

Nakuha kay Magbanua ang itim na Honda Click (F933TA) at sling bag pero hindi nabawi ang P5,420 cash at Realme C30 cellphone na nagkakahalaga ng P5,900.

Nahaharap ang mga suspek sa robbery, snatching at slight physical njuries.