Default Thumbnail

Rider, dedo matapos magulungan ng trailer truck sa Caloocan

March 18, 2023 Edd Reyes 194 views

HALOS malasog ang katawan ng 26-anyos na rider nang magulungan ng hulihang gulong ng kaagapay na trailer truck, Sabado ng madaling araw sa Caloocan City.

Hindi na umabot ng buhay sa Caloocan City Medical Center ang biktima, residente ng North Bay Boulevard South (NBBS), Navotas City sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa katawan.

Naaresto naman ng mga nagrespondeng tauhan ng Caloocan Police Sub-Station-1 ang driver ng trailer truck, 38, ng Viga Angadanan, Isabela makaraan ang malagim na aksidente na naganap dakong alas-12:01 sa kahabaan ng C-3 Road malapit sa kanto ng Torcillo St., Bgy. 22.

Sa ipinadalang ulat ni Caloocan police traffic investigator P/Cpl. Jhoren Cabiling kay city police chief P/Col. Ruben Lacuesta, parehong tinatahak ng Yamaha Mio na minamaneho ng biktima at ng trailer truck ang kahabaan ng C-3 Road galing ng Dagat-Dagatan Avenue patungo sa gawi ng Navotas City nang kumabig pakaliwa ang biktima upang lagpasan ang isang sasakyan sa kanyang harapan.

Dito na nahagip ng hulihang gulong sa gawing kanan ng trak ang biktima hanggang sa pumailalim at tuluyang magulungan na dahilan ng pagtatamo ng matinding pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Isang tsuper ng pribadong behikulo naman na nakasaksi sa malagim na pangyayari ang nagmalasakit na maisugod pa sa pagamutan ang biktima subalit patay na nang idating sa ospital.

Sinabi ni Lacuesta na inihahanda na ng kanyang mga tauhan ang paghahain ng kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property laban sa driver ng trailer truck sa Caloocan City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE