Lapid

RE para sa brownouts itinutulak ni Sen. Lapid

April 11, 2024 PS Jun M. Sarmiento 85 views

IGINIIT ni Sen. Lito Lapid na malaki ang maitutulong ng renewable energy (RE) sources sa nararanasang brownouts sa Negros Occidental, Panay Island at iba pang lugar sa bansa.

Sinabi ni Lapid na magandang pag-ibayuhin ang paggamit ng RE gaya ng araw (solar), hangin (wind), waves (alon) at iba pang sources.

Sinabi ni Lapid na maaaring i-harvest o ipunin ang sikat ng araw sa pamamagitan ng solar panels na syang magiging suplay sa power grid sa isang bayan o lalawigan.

“Kung tutuusin, bilang tropikal na bansa, maswerte pa ang Pilipinas dahil sa sagana sa sikat ng araw. Kailangan lang na mas maraming mag-invest na mga pribadong kumpanya sa solar industry para makatugon sa kakapusan ng suplay ng kuryente,” giit ni Lapid

Sa pagbisita sa Bacolod City at Himamaylan, Negros Occidental, napag-alaman niya na madalas magkaroon ng brownouts sa Western Visayas dahil sa kakulangan ng suplay ng kuryente ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Noong April 8, pinasinayaan ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. ang Cebu-Negros-Panay Backbone Project Stage 3 (CNP3) sa Brgy. Mansilingan, Bacolod City na inaasahang makalulutas sa problema ng brownouts sa Western Visayas.

“Suportado po natin ang hakbang ni Pangulong BBM na masolusyunan ang kakapusan sa kuryente, di lang dito sa Negros kundi sa buong Pilipinas.

Maganda ang hakbangin niya na mas paunlarin at palakasin ang paggamit ng renewable energy sources sa gitna ng nararanasang El Nino phenomenon. Dapat din mabigyan ng insentibo ang mga renewable energy generators,”
dagdag pa ni Lapid.

Kinatigan rin nina Congressman Dino Yulo at Negros Occidental Governor Eugenio Jose Lacson ang paggiit ni Lapid na palakasin ang paggamit ng renewable energy at tiniyak na tatanggapin nila sa probinsya ang mga kumpanyang gustong mag-invest sa power generation.