Posas

Rape suspek huli dahil sa ‘Huwag kang maingay’

June 27, 2023 Melnie Ragasa-limena 177 views

INARESTO ng pulisya ang isang lalaki matapos umanong gahasain ang isang PWD nitong Lunes ng gabi sa lungsod Quezon.

Ayon kay PLTCOL Paterno Domondon Jr., Batasan Police Station (PS 6) commander, ang suspek ay 27 taong gulang at residente ng Brgy. Holy Spirit, Quezon City.

Ayon sa report nakatayo ang isang lalaki sa gate 2 ng Commision on Audit sa Brgy. Batasan Hills, Quezon City bandang 11:10 ng gabi, Hunyo 26, 2023, nang makarinig siya ng boses ng isang babae na humihingi ng tulong, kasunod nito ang tinig ng isang lalaki na sinasabing “HUWAG KANG MAINGAY”.

Dahil dito ay agad na humingi ng tulong ang saksi sa mga nagpapatrulyang pulis ng Batasan Police Station na nagresulta sa pagkaaresto ng suspek.

Sa salaysay ng biktima sa pulisya, sinabi niya na ginahasa siya ng suspek.

Napag-alaman na may diperensiya umano sa pag iisip ang biktima.

Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 8353 or the Anti-Rape Law of 1997 sa Quezon City Prosecutor’s Office ang suspek.