Posas

Pulis sugatan sa agawan ng baril; suspek timbog sa tambay

November 2, 2023 Zaida I. Delos Reyes 263 views

SUGATAN ang isang pulis nang maagawan ng baril ng isang lasing na suspect sa Parañaque City noong Nob. 2 habang mga tambay pa ang nakahuli sa suspek na hindi natakot kahit tinutukan ng baril.

Nagtamo ng gasgas sa katawan si Police Corporal Roselito Delayon nang nakipagbuno sa suspect na si Luigi Ganuza na umagaw sa kanyang baril.

Makikita sa close circuit television (CCTV) na bago ang pang-aagaw ng baril, nakipagsuntukan ang suspect sa isang lalaki na hindi naman napansin ng pulis.

Matapos ang suntukan, lumapit ang suspect, na nakatayo malapit sa police mobile, at sinunggaban ang baril ng pulis

Nagpambuno ang dalawa hanggang sa maagaw na ni Ganuza ang baril at itinutok kay Delayon.

Tumulong ang kasamahang pulis ni Delayon na bumaba sa police mobile at tinutukan ng baril si Ganuza.

Nagkaroon din ng putukan subalit walang tinamaan habang nakagapang pabalik sa mobile si Delayon at nakatakas naman si Ganuza dala ang baril.

Naaresto si Ganuza matapos na mahulog sa creek nang tutukan ang mga kabataan na nakatambay na hindi natakot sa kanya.

Sinabi ni Delayon na akala niya magtatanong lamang ang suspect pero depensa naman ng suspek hindi niya alam ang kanyang ginagawa dahil sa sobrang kalasingan.

Mahaharap sa patong-patong na reklamo ang suspect.