Default Thumbnail

Protestanteng pananaw sa kasal at diborsiyo

November 6, 2022 Magi Gunigundo 650 views

Magi GunigundoNANG ipako ni Martin Luther ang kanyang “ 95 thesis laban sa kapangyarihan ng indulhensiya” sa pintuan ng simbahan sa Wittenberg Castle noon Oktubre 31, 1517, hinog na ang kaisipan ng maraming Kristiyano sa pag-alis sa simbahang Romano Katoliko sa gitna at kanluran ng Europa. Nayanig at nauga ng husto ang opisyal na relihiyon ng dati’y makapangyarihang Imperio ng Roma ng matinding hidwaan ng Papa at Emperador Frederick II ng Alemanya noong ika-13 siglo. Nasundan pa ito ng “Babylonian Captivity “ at away ng “Great Schism” na sumira sa pagkakaisa, reputasyon at karangalan ng institusyon ng Papa, mga Obispo at iba pang kleriko. Nagpabaya rin ang mga Papa ng ika-15 siglo sa usaping espirituwal na lalong nagpalala sa humuhupang impluwensiya ng simbahan Katoliko sa lipunan.

Bumenta ang mga ideya ni Martin Luther sa mga edukadong tao. Itinaguyod ni Luther ang mas simpleng personal na relihiyon na nakabatay sa pananampalataya lamang ayon sa Roma 1:17, ang pagbabalik sa diwa ng unang simbahan, ang sentralidad ng Bibliya sa liturhiya at sa buhay Kristiyano, at ang pag-aalis ng mga di kailangang seremonya-na pasok sa mga repormang hinihiling ng mga Kristiyanong “humanist.” Ang paggigiit na basahin at pagnilayan ng lahat ang Bibliya ay nakaakit ng mga marunong bumasa’t sumulat at mga residente ng lunsod. Samakatuwid, ang limang(5) Sola ni Luther ay pumatok sa madla.

Inuugnay ng mga iskolar mula sa maraming disiplina ang katanyagan at tagumpay ni Luther sa paggamit ng imprenta ni Johan Guttenberg, na nagpabilis ng pagkalat ng kanyang mga ideya sa Europa. Mabisa ang mga “woodcut” na nakalarawan ang iba’t ibang eksena ng korapsyon ng simbahan tulad ng pagbebenta ng indulhensiya ng Papa at kleriko. Tuloy, maging ang mga hindi marunong bumasa ay madaling naunawaan ang mga pangunahing ideya ni Luther. Ang ginawa ni Luther na pagsasalin ng Bagong Tipan sa kanyang diyalekto ng Aleman noong 1523 ay humantong sa pagtanggap sa diyalektong ito bilang pangunahing bersyon ng wikang Aleman.

Alam ni Luther na ang isang teritoryo ay magiging Protestante lamang kapag ang pinuno nito, maharlika man o isang konseho ng lungsod, ay gumawa ng mga praktikal na hakbang tungo sa reporma sa relihiyon. Tulad ng istratehiya ng unang simbahan na nagpalaganap ng Kristiyanismo sa Imperio ng Roma, pinaalalahanan din ni Luther sa lahat ng mga Protestante na sumunod sa kanilang mga sekular na pinuno (Roma 13). Gustong gusto ito ng mga may kapangyarihan lalo na sa pagsupil ng dumaraming rebelyon ng mga tagabukid na kanilang pinagmamalupitan.

Mahigpit na nakipagtulungan si Uldrich Zwingli, isa sa mga taga sunod ni Luther, sa konseho ng lungsod ng Zurich, at ang konsehong ito mismo ang nanguna sa pagpapatanggap ng reporma ni Luther sa ibang mga lungsod at bayan ng Switzerland at Timog Alemanya.

Parehong naniniwala sina Luther at Zwingli na ang pag-aasawa ay may pakinabang na espirituwal sa indibidwal at gayon din sa estado. Bagama’t itinanggi nila na ang kasal ay isang sakramento, idiniin nila Luther na ito ay itinalaga ng Diyos bilang “lunas” para sa hindi maiiwasang kasalanan ng pagnanasa sa laman, at tamang lugar para sa pagpapalaki ng mga anak na Kristiyanong may takot sa Diyos at nag-aalok ng pagsasama at aliw sa mag-asawa. Ang isang maayos na kasal ay nagpapakita ng espirituwal na pagkakapantay-pantay ng mga lalaki at babae at ang wastong panlipunang hirarkiya ng awtoridad ng asawang lalaki at pagpapasakop ng asawang babae. Kadalasan ang pag-ibig ay wala sa umpisa ng kasal ngunit inaasahan mabubuo ito sa pagsasama ng mag-asawa at pagkakaroon ng supling.

Itinuring ng mga Protestante ang kasal bilang isang kontrata na pinasok ng mag-asawa na nagkasundo na magbigay ng suporta, pagsasama, at pagbabahagi ng mga bagay sa isa’t isa. Kung ang mag-asawa ay hindi na nagbibigay ng aliw o suporta sa isa’t isa sa pisikal, materyal, o emosyonal na bagay, ang pananatili ng kasal ay nagsisilbing panganib sa kanilang sariling mga kaluluwa at sa komunidad. Ang tanging solusyon ay maaaring diborsiyo at muling pag-aasawa, na pinahintulutan ng karamihan sa mga protestante na kapansin-pansing naiiba sa doktrinang katoliko na itinuturing ang kasal bilang isang sakramento at kung ipinasok nang wasto, ay hindi maaaring paghiwalayin ng tao (Mckay,Hill, Buckler etc., Understanding Western Society, Volume I,©2012).

Dahil sa pananaw sa diborsiyo ng mga Protestante, lalong lumawak ang protestantismo sa labas ng Alemanya ng umalis si Haring Henry VIII ng Inglatera sa simbahang Katoliko dahil sa kagustuhan niyang makakuha ng diborsiyo sa asawa upang makapag-asawa muli at magkaanak ng magmamana ng kanyang korona.

Mas pabor ako sa pananaw ng Protestante sa kasal at diborsiyo. Kinikilala nito na ang tao ay marupok, nagkakamali,nauubusan ng pasensya at ang inaasahang pangmatagalang pag-ibig ay naglalaho sa kabila ng pagsusumikap ng mag-asawa. Sa Pilipinas, ang kasal ay maihahalintulad sa isang gusali na walang fire exit. Ang dalawang taong ipinapasok sa loob ng gusali ay di makakalabas dito kahit na humiyaw ng saklolo dahil nilalamon na sila ng apoy. Hindi makatao at maka Diyos na hayaan na lang silang masawi.

AUTHOR PROFILE